NEW YORK — Umiskor ng 32 puntos si Joe Johnson habang nagbida naman ni Shaun Livingston para sa Brooklyn Nets sa pangalawang overtime para biguin ang Miami Heat, 104-95, kahapon sa NBA.
Nagbuslo ng dalawang baskets at humirit ng dalawang shot blocks ang point guard na si Livingston sa second overtime kung kailan wala na si LeBron James ng Heat dahil sa anim na fouls. Tinapos ni Livingston ang laro na may 19 puntos, 11 rebounds at limang assists sa 51 minutong paglalaro bilang kahalili ng injured starter na si Deron Williams.
Gumawa rin ng 23 puntos si Paul Pierce para sa Nets ngunit sumablay siya ng dalawang beses sa regulation at sa unang overtime na nakapagbigay sana sa Brooklyn ng maagang panalo.
Hindi man maganda ang simula ng Nets sa kasalukuyang season ng NBA ay hindi pa sila natatalo sa limang laro sa taong 2014. Inumpisahan nila ang 2014 sa pag-upset sa Thunder (95-93) bago sundan ng panalo kontra Cavaliers (89-82), Hawks (91-86) at Warriors (102-98).
Si James naman ay may 36 puntos, pitong rebounds at limang assists para sa Heat. Natawagan siya ng kanyang huling foul may 36 segundo na lang ang natitira sa unang overtime.
Hindi nakapaglaro kahapon para sa Miami sina Dwyane Wade, Mario Chalmers at Shane Battier na pawang mga starters ng koponan.
Warriors 99, Celtics 97
Sa Oakland, tumira ng go-ahead jumper si Stephen Curry may 2.1 segundo na lang ang nalalabi sa laro para ibigay sa Golden State ang panalo.
Mula sa isang pick-and-roll sa kakampi niyang si David Lee ay nagpakawala ng isang palobong tira si Curry sa harap mismo ni Boston forward Kris Humphries.
Sa huling tira ng laro ay nagmintis si Gerald Wallace sa kanyang buzzer-beating 3-pointer, sanhi para mahulog sa ikapitong sunod na kabiguan ang Celtics.
Si Andre Iguodala ay may 22 puntos, pitong assists at limang rebounds habang si Curry ay nagtapos na may 19 puntos, pitong rebounds at apat na assists para sa Warriors.
Hawks 83, Rockets 80
Sa Atlanta, kumana ng 20 puntos si Kyle Korver kabilang ang apat na free throws sa huling 16 segundo ng laro para pangunahan ang Hawks.
Nagdagdag naman ng 20 puntos si Paul Millsap para sa Hawks na nanalo rin kontra Indiana Pacers noong Huwebes.
Si James Harden ay may 25 puntos at si Dwight Howard ay may 15 puntos at 11 rebounds para sa Rockets.
T-wolves 119, Bobcats 92
Sa Minneapolis, tumira ng 26 puntos si Nikola Pekovic sa 27 minutong paglalaro para pangunahan ang Minnesota sa panalo.
Tinulungan naman siya nina Kevin Love na may 19 puntos at 14 rebounds at Kevin Martin na may 19 puntos sa 9-of-12 field goal shooting.
Si Anthony Tolliver ay umiskor ng season-high 21 puntos para sa Bobcats na natalo ng pitong beses sa huling walong laro.