Mixers nakaulit sa Express, 67-60

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Globalport vs Alaska Milk
5:15 p.m. Barako Bull vs Barangay Ginebra

NAPIGILAN ng San Mig Coffee Mixers ang huling ratsada ng Air21 Express sa ikaapat na yugto para itakas ang 67-60 panalo sa kanilang PLDT myDSL PBA Philippine Cup game kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Matapos tapyasin ng Express ang kalamangan ng Mixers sa tatlong puntos sa layup ni Bonbon Custodio, 63-60, nagbuslo si PJ Simon ng dalawang free throws para umangat ang bentahe ng San Mig Coffee sa limang puntos, 65-60, may 28.2 segundo sa laro.

Sinelyuhan ni Mark Barroca ang panalo ng Mixers matapos ipasok ang dalawang magkahiwalay na free throw para sa final score.Si Simon ang nanguna para sa San Mig Coffee sa kinamadang 20 puntos habang si Yancy de Ocampo ay nagtala ng double-double sa ginawang 12 puntos at 12 rebounds para sa Mixers.

Si Niño Canaleta ay umiskor ng 22 puntos para pamunuan ang Air21. Samantala, isang kritikal na pagtatagpo ang magaganap sa pagitan ng Alaska Milk at Globalport na kapwa nasa bingit ng alanganin ang kampanya mamayang alas-3 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.

Sa ikalawang laro sa ganap na alas-5:45 ng hapon ay babangon naman ang Barangay Ginebra San Miguel kontra Barako Bull.
Ang Aces at Batang Pier ay kapwa may 4-8 record at ang matatalo mamaya ay lalapag sa ikasiyam na puwesto.

Sa ilalim ng tournament rules, ang huling dalawang koponan sa pagtatapos ng 14-game elims ay hindi makakausad sa quarterfinal round.

Ang Alaska Milk ay galing sa back-to-back na kabiguan. Hindi maganda ang naging simula ng 2014 para sa Aces nang sila’y talunin ng Talk ‘N Text sa overtime, 121-117.

At noong Biyernes ay natalo sila sa Meralco Bolts, 75-64, sa isang laro kung saan nagkaroon ng away. Mas masaklap naman ang kapalaran ng Globalport.

Matapos maiposte ng franchise first three-game winning streak, ang koponang ngayo’y iginigiya ni head coach Ritchie Ticzon ay natalo ng limang sunod.

Sa kanilang unang pagkikita noong Disyembre 13 ay tinalo ng Globalport ang Alaska Milk, 94-84. Umaasa si Ticzon na manunumbalik ang dating tikas ng kanyang mga bata at makakaulit sila sa Aces.

Si Ticzon ay sumasandig kina Solomon Mercado, Jay Washington at prized rookies RR Garcia at Terrence Romeo.
Makakatunggali nila sina Cyrus Baguio, Sonny Thoss, JVee Casio at Calvin Abueva.

Nalasap naman ng Barangay Ginebra ang ikalawang pagkabigo sa torneo nang ito ay talunin ng San Mig Coffee, 83-79, noong Linggo. Nagkaganoon man ay nasa itaas pa rin ng team standings ang Gin Kings sa record na 9-2.

Read more...