HUMIGIT-kumulang 1,200 ang nasaktan o naospital sa prusisyon ng Pista ng Itim na Nazareno, ayon kay Chief Inspector Robert Domingo, spokesman of the National Capital Region police office, alas-6 kagabi.
“Lahat ito minor injuries lang, walang seriously injured,” dagdag ni Domingo. Sa bilang, ilan ay nawalan ng malay dahil sa sakit ng ulo habang ang iba ay nahilo. Mayroon ding nasugatan ang paa, nagasgas, nahiwa, napilayan at nabukulan.
May naiulat ding inatake ng hika. Ilan sa mga kaso ay kailangang isugod sa ospital. Daan-daan din ang tumaas ang presyon.
Base sa estimate ng otoridad ay umabot sa tatlong milyon ang sumali sa traslacion na nagsimula alas-7 ng umaga.
Inilakad ang imahen ng Nazareno mula sa Quirino Grandstand patungo sa Quiapo Church sang-ayon sa tradisyon. Daan-daang pulis, traffic enforcer at volunteer group gaya ng Philippine Red Cross ang itinalaga upang panatilihin ang katahimikan at kaayusan at upang tulungan ang masasaktan at magkakasakit.
Mas mabilis
Samantala, iniulat ng Metropolitan Manila Development Authority na mas mabilis ang naging daloy ng traslacion kahit pa tinangkang suwayin ng ilang deboto ang itinakdang ruta.
Sinabi ni MMDA chairman Francis Tolentino na naniniwala siyang mas maagang matatapos ang prusisyon kahit mahaba ang ruta.
Sa halip na sa MacArthur Bridge ay sa Jones Bridge i-dinaan ang Poon. Kumanan ito sa Escolta bago dumiretso sa dating ruta na Palanca patungo sa ilalim ng Quezon Bridge.
Ayon kay Tolentino, alas-3:20 pa lang ng hapon ay nakalabas na ng Escolta ang andas ng Nazareno.
Gusto sa MacArthur
Bago ito ay itinulak ng ilang deboto ang dalawang container van na nakaharang sa MacArthur Bridge upang doon idaan ang imahe.
Matatandaang nagdesisyon ang mga namumuno ng prusisyon na Jones Bridge na lamang ang gamitin sa traslacion dahil sa mga nakitang lamat sa MacArthur Bridge ng otoridad.
Wala namang nagawa ang mga ito nang pumagitna ang mga kapwa nila deboto at kumbinsihin sila na sumunod na lamang sa takdang ruta dahil delikado nga ang nakasanayang daanan.
Naispatan naman ang mga empleyado ng MMDA na nakasunod sa prusisyon para linisin ang mga dinaanan.
( Photo credit to INS )