PETRON BABANGON KONTRA GLOBALPORT

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5:45 p.m. Alaska Milk vs Meralco
8 p.m.  Petron Blaze vs Globalport
Team Standings:  Ginebra (9-2); Petron (8-3); Rain or Shine (8-3); Talk ‘N Text (7-4); Barako Bull (5-7); Alaska (4-7); Globalport (4-7); Meralco (4-7); San Mig Coffee (4-7); Air21 (3-9)

SISIKAPIN ng Petron Blaze na mabawi ang consistency nito kontra kapwa sumasadsad na Globalport sa kanilang pagtatagpo sa PLDT myDSL PBA Philippine Cup mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Sa unang laro na gaganapin alas-5:45 ng hapon ay hangad ng Alaska Milk na makaulit kontra sa Meralco.

Sinayang ng Boosters ang 13-puntos na kalamangan at natalo sa Barako Bull, 92-88, noong Miyerkules ng gabi para bumagsak sa 8-3 at makasama sa ikalawang puwesto ang Rain or Shine. Ito ang ikatlong kabiguan ng Boosters sa huling apat na laro matapos na simulan ang torneo nang may pitong sunod na panalo kahit na may injury ang apat na key players.

Nagsimulang bumagsak ang Petron nang magtamo ng knee injury ang higanteng si June Mar Fajardo at hindi makapaglaro. Napatid ang kanilang seven-game winning streak nang matalo sila sa Rain or Shine, 99-95. Matapos iyon ay pinayuko sila ng Barangay Ginebra San Miguel, 97-83.

Pansamantala silang nakabawi kontra defending champion Talk ‘N Text, 105-91, pero nabigong magtuluy-tuloy ang pag-angat nang matalo sa Energy.

Walang katiyakan kung kailan makakalarong muli si Fajardo kung kaya’t ang Petron ay sisikaping buhatin nina Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Lutz at Marcio Lassiter.

Nais ng Boosters na makaulit sa Batang Pier na tinalo nila, 97-87, noong Nobyembre 20.

Ang Globalport ay may four-game losing skid at nasa ikaanim hanggang ikasiyam na puwesto kasama ng Alaska Milk, Meralco at San Mig Coffee.

Inaasahang makapaglalaro mamaya si Solomon Mercado na hindi nakasama ng Batang Pier sa kanilang huling game kontra Rain or Shine bunga ng sprain. Makakatuwang ni Mercado sina Jay Washington, Terrence Romeo, RR Garcia at Nico Salva.

Dinaig ng Alaska Milk ang Meralco, 91-82, sa kanilang unang pagkikita noong Disyembre 18.

Ang Aces ay galing sa 121-117 pagkatalo sa overtime sa Talk ‘N Text noong Enero 4. Sa araw ding iyon ay nagwagi naman ang Bolts kontra sa Air21 sa overtime, 92-88.

Si Alaska Milk coach Luigi Trillo ay umaasa kina Cyrus Baguio, Sonny Thoss, JVee Casio, Calvin Abueva at Dondon Hontiveros.

Makakatapat nila sina  Gary David, Reynel Hugnatan, John Wilson, Jared Dillinger at Danilo Ildefonso na pinapirma nila ng short-term contract.

Sa kanyang unang laro sa Meralco kontra Air21, si Ildefonso ay nagtala ng 14 puntos, anim na rebounds at limang assists at pinarangalan bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week.

Read more...