WALA nang makakatulad pa kay yumaong Interior Secretary Jesse Robredo sa paninilbihan sa mamamayan.
Kahit may meeting si Robredo, kapag nakatanggap siya ng tawag sa media para ma-interview, iiwan muna niya ang kanyang mga ka-meeting upang mabigyang daan ang interview.
Tinanong ko minsan si Robredo kung bakit iniiwan niya ang kanyang ginagawa upang mapagbigyan ang reporters o commentators na makapanayam siya, sinabi niya na public service ang kanyang priority.
Ayon sa kanya isang public service ang malaman ng madla kung anong hakbang ang ginagawa ng isang government official tungkol sa isang isyu na may kinalaman sa kanyang trabaho.
Kaya’t kahit na dis-oras ng gabi ay puwedeng tawagan si Robredo.
Tinawagan ko minsan si Robredo nang may bastos na operator ng 711, ang emergency hotline, na sumagot sa akin.
May inirereport kasi akong poste kuryente na nagliliyab at tinawagan ko ang 711, pero masungit ang sumagot na operator.
Di agad ako sinagot ni Robredo; marahil ay natutulog na siya noon, pero tinawagan niya ako kinaumagahan. Sinabi ko sa kanya ang nangyari sa amin noong bastos na operator.
Pinaimbestigahan ni Robredo ang aking reklamo. Isang linggo matapos akong nagreklamo sa kanya, tinawagan ako ng noon ay interior and local governments secretary at sinabi sa akin na sinuspendi na niya ang operator.
Kung ikokompara ang yumaong si Robredo kay Winston M. Ginez, chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), parang inihahambing ang Mercedes Benz sa jeepney.
Of course si Robredo ang Mercedes Benz at si Ginez ang jeepney.
Itong si Ginez ay ayaw magpa-interview sa radyo kahit na anong sabihin sa kanyang sekretarya na masungit na kailangan siyang makausap.
Ilang beses nang tinawagan ng “Isumbong mo kay Tulfo” si Ginez upang kapanayamin tungkol sa mga nirereklamong bus companies, pero ayaw nitong sagutin ang kanyang telepono.
Palaging sinasabi ng kanyang sekretarya na may meeting siya at hindi siya puwedeng makausap o kaya’y out of the office at ayaw magpaistorbo.
Ang hambug naman nitong si Ginez!
Dapat niyang malaman na dahil tinanggap niya ang isang public office, siya ngayon ay public servant.
Oo nga’t siya’y class valedictorian ng San Beda College of Law noong 1995 at nagpangatlo sa Bar exams, at isang certified public accountant o CPA, dapat niya isaloob ang tungkulin ng isang public servant.
Kung hindi niya gusto ang kanyang trabaho dahil ayaw niyang makausap ang mga ordinaryong tao, aba’y magbitiw siya sa tungkulin!
Tinatawagan ng isang “angel” ng “Isumbong mo kay Tulfo’ radio program si Ginez dahil may idudulog kasi kaming reklamo sa kanya laban sa isang bus company.
Ayaw ng Elena Bus Co. na bayaran ang hospitalization ng isang pasahero na nahulog sa bus gayong ang aksidente ay pagkakamali ng driver at conductor ng bus.
Umaga pa, mga alas 10, nang tumawag ang Isumbong angel na si Jing sa opisina ni Ginez.
Sinabi ng sekretarya na nasa meeting si Ginez.
Ilang beses tumawag si Jing upang imbitahin na makapanayam ng aming programa si Ginez, pero sabi pa rin ng sekretarya niya na nasa meeting pa rin kahit na ala una na ng hapon.
May meeting na tumatagal ng tatlong oras? Di ba boring na yun dahil natalakay nang lahat ng bagay.
A conference that lasts more than an hour is no longer a meeting but a seminar.
Hanggang ngayon ba ay nagsi-seminar pa si Ginez tungkol sa kanyang trabaho bilang LTFRB chairman?
May kasabihan na kapag ang boss ay suplado sa mga tao, ganoon din ang mga nakabababa sa kanya.
Suplada ang sekretarya ni Ginez.
Nagmana marahil sa kanya.