NAGPAHAYAG ng paniniwala si Floyd Mayweather Sr. na makaka-resbak si Manny Pacquiao kay Timothy Bradley kung sila ang magtutuos sa labang itinakda sa Abril 12 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.
Tinuran ni Mayweather Sr., ama at trainer ng kasalukuyang pound for pound king na si Floyd Jr., ang magandang ipinakita ni Pacquiao sa huling laban kontra kay Brandon Rios na magbibigay daan para mas magkaroon ng pagkakataon na manalo ito kay Bradley.
Noong Hunyo 9, 2012 nagsukatan sina Pacquiao at Bradley at nailusot ng walang talong American boxer ang kontrobersyal na split decision panalo upang agawin din ang World Boxing Organization welterweight title.
Hindi naman nagugulat ang nakatatandang Mayweather sa mga nagsasabing nanalo si Bradley at ang iba naman ay pumapanig kay Pacquiao dahil tunay umano na dikitan ang laban.
Pero naniniwala si Mayweather Sr. na ibang resulta ang mangyayari kung maganap na rematch. “Pacquiao looked real good to me against Rios. I’m not saying he was a Mayweather, but he looked good,” wika ni Mayweather Sr. sa panayam ni Chris Robinson.
Si Bradley ang matunog na makakalaban ng Pacquiao dahil mas malaki ang inaasahang suporta ng manonood dahil sa intrigang nangyari sa unang pagkikita.
Ang isa pang inihain na pangalan para pagpilian ni Pacman ay ang dating sparmate na gumagawa ngayon ng pangalan na si Ruslan Provodnikov ng Russia.
Kumikiling din si Mayweather Sr. kay Bradley na siyang posibleng makasukatan uli ni Pacquiao sa Abril at kung maselyuhan na ay dapat na maghanda ito.
“Pacquiao might pull that off,” dagdag ni Mayweather Sr. “I’m just saying, from the first fight, it depends on what you thought about it, but I just see a different fight.”
Inaasahang sa linggong ito ay may napili na si Pacquiao para opisyal na maihayag ang laban.
( Photo credit to INS )