Pistons dinurog ng Grizzlies


AUBURN HILLS, Michigan — Napantayan ni Jon Leuer ang career-high niyang 23 puntos habang si Zach Randolph ay nagdagdag ng 16 puntos at 16 rebounds para pangunahan ang Memphis Grizzlies sa 112-84 panalo laban sa Detroit Pistons kahapon sa NBA.

Anim na manlalaro ng Memphis ang tumapos na may double figure sa scoring kasama ang dating Pistons forward na si Tayshaun Prince na kumana ng 15 puntos.

Si Greg Monroe naman ay may 19 puntos at si Andre Drummond ay may 15 puntos at 14 rebounds para sa Detroit.
Ito ang ikaapat na diretsong kabiguan para sa Pistons.

Warriors 112, Wizards 96
Sa Washington, si Klay Thompson ay umiskor ng  26 puntos para pangunahan ang Golden State sa ikasiyam na diretsong pagwawagi habang nagpasikat naman sina  Stephen Curry at Andrew Bogut sa isang play na puwedeng ilahok sa NBA slam dunk contest.

Ito ang pinakamahabang winning streak na naitala ng Warriors mula 1975. Nag-ambag naman ng 14 puntos si Curry na umani ng malakas na palakpakan nang ibato niya ang bola sa backboard para ipasa sa sumusunod na si Bogut na nagpakawala ng isang matinding dunk sa third quarter.

Si John Wall ay may 14 puntos at 10 assists para sa Wizards.

Thunder 119, Celtics 96
Sa Oklahoma City, umiskor ng career-high 27 puntos ang point guard na si Reggie Jackson at si Kevin Durant ay kumulekta ng 21 puntos, pitong rebounds at walong assists para sa rumaragasang Thunder.

Si Serge Ibaka ay nagdagdag ng 17 puntos at 11 rebounds para sa Oklahoma City na may  best record sa Western Conference.
Mula nang sumailalim sa arthroscopic knee surgery ang All-Star point guard ng Oklahoma City na si Russell Westbrook ay nanalo ng apat na beses ang Thunder sa anim na laro.

Sina Jeff Green at  Avery Bradley ay kapwa umiskor ng 19 puntos para sa Boston na may four-game losing skid.

( Photo credit to INS )

Read more...