Iba kapag buo ang pamilya | Bandera

Iba kapag buo ang pamilya

Barry Pascua - January 03, 2014 - 12:00 PM

SA kauna-unahang pagkakataon pagkatapos ng napakaraming taon, hindi kami buo noong ‘noche buena’ at ‘media noche’.

Ganoon pala talaga kapag tumatanda na kayong mag-asawa at nagkakaroon na ng pamilya ang mga anak ninyo. Nawawala na sila sa inyong piling. Nagsisimula na silang mamuhay ng sarili nila.

Ang sabi nila, hindi ka naman daw dapat malungkot kapag nag-asawa na ang anak mo. Hindi ka naman nababawasan, e. Nadadagdagan ka ng manugang. Nadadagdagan ka ng apo. Dumadami kayo!

Kung bilang ang pag-uusapan, tama iyon. Lumalaki ang angkan.

Pero kung presensiya nga sa bisperas ng Pasko na nakagawian na sa mahabang panahon, aba’y kulang talaga!

Noong 2012 pala ang huling pagkakataong buo kami. Anim kami sa hapag kainan. Anim kaming nagsimba sa bisperas ng Pasko. Anim kaming nagdiwang, umihip ng torotot at nagsindi ng roman candles upang salubungin ang Bagong Taon. Terno-terno pa nga kami dahil lahat kami ay nakasuot ng pulang T-shirt.

Masaya!

Pero nagsipag-asawa na ang panganay kong si Illuminada at pangalawang anak na si Sabrina. Kinailangan namang tumutok sa pinapasukang call center ang anak kong lalaki na si Lucas.

Kaya hayun, kami ng mag-asawa at bunso kong si Maria Elizah Dominique lang ang nagsimba at nag-noche buena.

Malungkot pala ang ganun!

Mabuti na lang at nadalaw kami ng panganay ko’t asawa niyang si Patrick kasama ng halos apat na buwan kong apong si Wolfgang Zachary noong bisperas ng bagong taon. At nabago rin ni Lucas ang kanyang oras sa pinapasukan para makasalo sa media noche. Tanging si Sabrina ang wala.

Kahit paano’y sumaya ang pagsalubong namin sa 2014.

Kaya nga tama ang sinasabi ng karamihan na ang pagdiriwang ng Pasko’t Bagong Taon ay para sa mga bata.

Matapos nga ang pagdiriwang, nang makaalis na ang lahat at ako ng maybahay kong si Shirley na lang ang naiwan noong Miyerkules ay napag-isip isip namin na ganito talaga ang buhay.

Nagsimula kami na kaming dalawa lang. Iniwan din naman namin ang mga magulang namin upang tahakin ang sarili naming landas. Nagbuo kami ng sarili naming pamilya — apat na supling na inaruga’t pinalaki, inihanda para sa sarili nilang buhay at sarili nilang pamilyang bubuuin.

Dapat ay inihahanda na rin namin ang aming sarili sa mangyayaring pag-iwan nila sa amin sa darating na panahon.
Dalawa kaming nagsimula, dalawa rin kaming magtatapos.

Mula ngayon ay iisipin, aalalahanin at ipagpapasalamat na lang namin ang mga panahong buo pa kami sa noche buena at media noche.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

* * *
Happy birthday sa aking anak na si Sabrina Pascua-Quiras na nagdiriwng ngayon, January 3, at sa mga ka-birthday niyang sina Dodie Gonzales, Reli de Leon, Bobby Rosario at Daniel Estanislao at kina Tito Varela at Aleli Ortega (Jan. 4), Ava Garcia, Joey Guanio at Emilie Amores (Jan. 5), Gaspar San Diego (Jan. 6) Rafael Arvisu, Bill Velasco at Raffy Tima (Jan. 7).

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending