CORTEZA No. 2 POOL PLAYER NG MUNDO

HINDI man gaanong napansin ng media ay umarangkada sa taong 2013 si Lee Vann Corteza sa mundo ng bilyar.

Sa katunayan, tinapos ng tumbukerong mula Davao City ang taon na nasa pangalawang puwesto sa individual world rankings ng World Pool Association (WPA). Bukod dito ay nasa No. 2 spot din si Corteza sa money list ng taon, ayon sa AZbilliards.com.

Sa tulong ng pagkopo niya ng titulo sa China Open, si Corteza ay  nakalikom ng 1,739 puntos sa limang torneo na kinikilala ng international body WPA para pumangalawa sa naturang talaan.

Ang tanging nakahihigit sa kanya ay si Thorsten Hohmann ng Germany na nanalo sa 2013 World 9-Ball Pool Championship at may  kabuuang 1,930 puntos.

Kumubra ng 600 puntos si Corteza sa China Open. Nakakuha rin siya ng mahahalagang puntos sa World 9-Ball (449), US Open 9-Ball (330), Ultimate 10-Ball (190) at All-Japan Championship (170).

Sa money list naman ay pumangalawa rin si Corteza matapos na magbulsa siya ng $111,525 gantimpala sa 14 na torneyong nilahukan.

Ang dalawang pinakamalaki niyang nakubra ay ang premyo sa China Open ($40,000) at sa World Cup of Pool kung saan pinaghatian nila ni Dennis Orcullo ang $60,000 premyo.

Hindi kasali sa WPA ranking points ang World Cup of Pool na isang Scotch doubles knockout event.

Nanalo rin si Corteza sa Southern Classic at pumangalawa sa US 9-Ball Open.

Nasa ikatlong puwesto naman sa money list si Orcullo ($106,770) na may pitong kampeonato sa taon bukod pa sa pagkopo ng gintong medalya sa 10-ball event ng 2013 Southeast Asian Games sa Myanmar.

Bukod sa World Cup of Pool ay nanalo rin si Orcullo sa Derby City Classic 10-Ball Challenge kung saan nagbulsa siya ng $20,000.

Hindi rin nagpapahuli sina Francisco “Django” Bustamante at Carlo Biado na kapwa nasa top ten din ng 2013 money list.

Nasa ikaanim na puwesto si Bustamante sa kinitang $75,818 premyo habang si Biado, na katulad ni Orcullo ay naglalaro sa ilalim ng Bugsy Promotions, ay nasa ika-10 puwesto sa nalikom na $49,350 premyo.

Hindi naman nagpahuli si Rubilen Amit na binura ang dating career-high earnings na $23,700 noong 2009 sa nakuhang $27,300 sa taong ito.

Si Amit ay nag-uwi ng $21,000 sa pagkakapanalo niya sa World Women’s 10-Ball Championship.

Samantala, nanguna sa money list si Shane Van Boening ng USA na may  kabuuang $153,400 premyo habang si Kelly Fisher ang nakaalagwa sa kababaihan sa kinitang $57,500.

Read more...