TORONTO — Umiskor si DeMar DeRozan ng 26 puntos habang si Kyle Lowry ay nagtala ng 13 puntos at season-high 14 assists para tulungan ang Toronto Raptors na palawigin ang kanilang season-best winning streak sa apat na laro matapos gulatin ang Indiana Pacers, 95-82, sa kanilang NBA game kahapon.
Si Terrence Ross ay nag-ambag ng 18 puntos habang si Jonas Valanciunas ay nagdagdag ng 13 puntos at siyam na rebounds para sa Raptors (15-15) na winakasan ang five-game winning streak ng Indiana at iniangat ang kanilang record sa .500 matapos ang 30 laro sa unang pagkakataon magmula noong Enero 6, 2010.
Nagwagi rin ang Raptors sa walo sa kanilang 10 laro mula noong Disyembre 13 kung saan karamihan sa mga manlalarong nakuha nila sa Sacramento Kings mula sa Rudy Gay deal ay nagsipaglaro para sa Toronto.
Si Roy Hibbert ay nagtapos na may 16 puntos habang si Paul George ay nag-ambag ng 12 puntos para sa Pacers, na nagtala ng season-worst 23 turnovers. Ang Indiana ay nanalo sa siyam sa 12 paghaharap nila ng Toronto, kabilang ang apat na sunod sa Canada. Si Danny Granger ay nagdagdag naman ng 11 puntos para sa Indiana.
Clippers 112, Bobcats 85
Sa Los Angeles, kinamada ni Blake Griffin ang 13 sa kanyang 31 puntos sa huling 7:05 ng laro habang ginawa ni Jared Dudley ang 11 sa kanyang 20 puntos sa ikatlong yugto para pangunahan ang Los Angeles Clippers sa pagwawagi laban sa Charlotte Bobcats.
Ipinasok ni Dudley ang pito sa kanyang 10 tira laban sa dati niyang koponan na pumili sa kanya sa 2007 NBA draft at nag-trade sa kanya sa Phoenix Suns matapos ang isang season. Nagtala siya ng siyam na puntos laban sa Suns noong Martes.
Nag-ambag naman si Chris Paul ng 17 puntos at 14 assists para sa Clippers, na dinaig ang Bobcats sa ikaanim na sunod na pagkatataon at pinalasap dito ang ika-17 diretsong road loss laban sa mga katunggali mula sa Western Conference.