Alleged killer ng tatay ni Charice sumuko

Ni John Roson
SUMUKO sa mga awtoridad sa Gen. Trias, Cavite, kahapon (Huwebes) ang suspek sa pagpatay sa ama ni international singing sensation Charice Pempengco sa Laguna.
Nagtungo ang suspek na si Angel Capili sa bahay ni Gen. Trias Mayor Luis “Jon-Jon” Ferrer dakong alas-2:30, sabi ni Senior Supt. John Bulalacao, direktor ng Cavite Provincial Police, nang kapanayamin sa telepono.
“Sumuko siya (Capili) sa tulong ng barangay chairman ng Brgy Santiago, doon rin sa Gen. Trias,” ani Bulalacao.
Habang isinusulat ang istoryang ito, ibinabiyahe ni Bulalacao at kanyang mga tauhan si Capili patungong Camp Crame upang iprisinta ito sa mga opisyal ng PNP at kay DILG Sec. Jesse Robredo.
“Pupunta rin si Charice para makilala niya ‘yung suspect,” ani Bulalacao.
Samantala, kahapon ay isinasampa na ng mga pulis ng San Pedro, Laguna, ang kasong murder laban kay Capili.
Si Capili ang sinasabing sumaksak sa ama ni Charice na si Ricky Pempengco noong Lunes ng gabi, habang ang huli’y bumibili ng sigarilyo malapit sa kanyang bahay sa Brgy. Laram.

Read more...