Ai Ai bumagsak ang katawan dahil sa pagkamatay ng ina

AI AI DELAS ALAS AT SANCHO

NGAYONG umaga ang libing ng biological mother ni Ai Ai delas Alas na si Gng. Gregoria Hernandez delas Alas sa Eternal Gardens, Quezon City kasama ng tatay niya.

Dalawang taon nang maysakit na Alzheimer ang nanay ni Ms. A kaya’t sa bahay na niya ito nakatira at ang panganay niyang ate ang nag-aalaga, ito ang kuwento ng komedyana ng dalawin namin siya sa Ascension Columbary, Araneta Avenue noong Miyerkules.

Say ni Ms. A, “Dalawang linggo na raw nilalagnat, nawawala tapos bumabalik. Tapos nu’ng bumalik ako galing Amerika (nag-show), napansin ko, parang namumutla, dinala ko na sa Heart Center, dalawang linggo kami ro’n. Doon kami nagkaroon ng one-on-one na usapan.

“Actually, malakas pa nu’ng hindi pa nagkakasakit, tapos biglang nag-deteriorate na, ganu’n pala ‘yun kapag mamamatay na, biglang bagsak ang katawan.

“Ayaw ng mga kapatid ko ng caregiver o nurse, mas gusto niya kaming magkakapatid o siya lang ang mag-aalaga kasi siyempre, hindi mo naman din sure kung maaalagaan ng husto kapag ibang tao ang nagbantay.

“Nakakatawa nga, kasi hindi na kami kilalang lahat na magkakapatid ng nanay namin, ako, tiyahin daw niya ako. Ang kilala niyang Aileen, ‘yung standee ko na nasa kuwarto niya.

“May standee kasi ako sa kuwarto niya, ‘yun ang kinakausap niya at sinusumbungan niya kapag pinagagalitan siya ng ate ko kasi hindi sila minsan nagkakasundo.

“Kapag kakain na siya, aalukin niya ‘yung standee ko at ‘yun ang hinahalikan niya. Tapos sasabihin ko, ‘nay, ako sino ako?’ sasagot niya, ‘Di ba ikaw ‘yung tiyahin ko (pangalan ng tiya niya). Nakakatawa nga, ganu’n siya,” kuwento ni Ms. A.

Ang panganay na si Sancho ang karamay ng Comedy Queen sa pagdadalamhati dahil ang dalawang anak pa niyang sina Nicollo at Sofia ay nasa Amerika kasama ang tatay nilang si Miguel Vera.

“Kakukuha lang kasi nila ng green card nila kaya hindi pa puwede. Thank You Lord, green card holder na sila,” kuwento ni Ai Ai.
Bagsak kaagad ang katawan ni Ms. A dahil ilang gabi na siyang hindi nakakatulog at nakakain ng maayos.

Para maiba naman ang takbo ng usapan ay binanggit naming hinahanap ng mga bata ang pelikula ng isang Ai Ai delas Alas sa MMFF tulad ng anak naming si Patchot na itinuturing na ring “anak” ni Ms. A, tanong sa amin, “Mamaw bakit walang movie si mommy Ai Ai? Bakit hindi siya kasali sa ‘Girl Boy Bakla Tomboy’? Hindi ba kasama sila dati sa ‘Sisterakas’ kasama sina Kris at Vice?’

“Oo nga, nasanay kasi ang tao sa akin na may pelikula ako kapag MMFF, hindi bale, this year, hindi puwedeng wala akong pelikula, sabihin mo kay Patchot, this year, kasali na ako, saka sabihin mo sa anak ko, problemado si mommy Ai ngayon kaya hindi ko siya pinapupunta pa,” sagot ng komedyana.
Sigurado na raw may pelikula siyang isasama sa MMFF 2014 dahil hindi na siya papayag na wala siyang entry.

Samantala, si Bishop Teodoro Bacani, Jr. ang nagmisa sa huling gabi ng burol ng nanay ni Ai Ai kagabi na dinaluhan ng mga kaibigan ng komedyana.

Read more...