DINALAW ako kahapon ni Irma, ang balo ni James Harris, ang aking classmate sa high school at matalik kong kaibigan.
Nalunod si James Harris, isang mestisong Amerikano, noong kasagsagan ng Supertyphoon “Yolanda.”
Nakaligtas ang kanyang asawang si Irma at kanilang limang apo.Ang namatay kasama ni James ay ang kanilang anak na si Jemmalyn, 36, isang single mother na nakatira sa kanila, at isa pang apo na si Allison, 6 na taong gulang.
Ang pamilya Harris ay nakatira sa Barangay San Roque, sa bayan ng Tanauan, Leyte. Walo ang nakatira sa bahay ng mga Harris: silang dalawang mag-asawa, anim na apo at si Jemmalyn.
Nalunod si James, ani Irma, habang sinasagip ang kanyang mga apo.
Ang makabagbag damdamin sa istorya ni Irma Harris ay ang pagkasalba ng kanyang apo na si Danielle, 6 na taong gulang. Si Danielle ay anak ni Jemmalyn na kanina ay sinabi kong nalunod kasama ang tatay niyang si James at pamangkin niyang si Allison.
Sinabi ni Danielle na sinagip siya ni Thomas. Si Thomas ay isang aso na may lahing Labrador! Si Thomas ay kalaro-laro ng mga batang kapitbahay ng kanyang mga amo sa Barangay San Roque.
Nang lumalangoy si Danielle sa dagat-dagatan na mga lumulutang na silya, mesa, cabinet, kahoy, mga nabunot na coconut trees, nakita niya si Thomas na lumalangoy din.
Sumigaw si Danielle habang nalulunod siya sa asong palagi niyang kalaro, “Thomas, buligi gad ako.” Lumangoy si Thomas papunta kay Danielle at kumapit siya sa likod ng aso.
Kasama si Danielle ng kanyang lola nang pumunta sa opisina ko kahapon, pero ayaw niyang magsalita dahil sa trauma experience.
Pero sinabi ng kanyang lola na sinabi ni Danielle sa kanyang mga pinsan na niligtas siya ni Thomas. “Nagpapasalamat ako han ayam nga nagsalba han akon apo, Ramon. Akon huna-huna nga ordinaryo la iton nga ayam.
Ginbubugaw ngani namon ni James kun nakadto ha balay kay mabaho man iton hiya,” sabi sa akin ni Irma.(Nagpapasalamat ako sa aso sa pagsalba niya sa aking apo, Ramon.
Akala ko ay ordinaryong siyang aso. Tinataboy namin siya ni James kapag pumupunta sa bahay dahil mabaho siya) Si Thomas ay nabuhay. Siya’ y balik sa pangangalaga ng kanyang mga amo na sina Reinante at Chichi Avila, na namatayan din ng ina.
Totoo ang kasabihan na dog is man’s best friend.
Hindi lang magandang mag-alaga ng pet sa bahay, sila’y tagapagligtas din sa buhay ng kanilang amo. May paniniwala sa ating mga Pinoy na ang alagang hayop, lalo na ang aso, ang nagliligtas ng buhay ng kanilang amo kapag nasa bingit ito ng kamatayan.
May aso akong pinangalanan kong “Fraulein” dahil siya’y isang babaeng German Shepherd. Binigay si Fraulein sa akin ng isang kaibigan na nagbi-breed ng mga asong may lahi.
Pinili ko si Fraulein sa ibang German Shepherds dahil ang kanyang lahi ay hindi mabangis; ang tatay at nanay niya ay malalambing na German Shepherd.
Mahal na mahal ko si Fraulein dahil kapag dumarating ako sa bahay ay para siyang pusa na pumupulupot sa akin habang ako ay nanunood ng TV bago ako matulog.
Isang araw, dumating umuwi ako ng bahay at natagpuan kong patay na si Fraulein. Wala naman siyang sakit at wala siyang mga pinakitang sintomas na may sakit siya.
Habang ako’y nakaupo sa sulok sa kalungkutan sa pagkamatay ni Fraulein, nag-ring ang telepono (wala pang cellular phone noon).
Isang kaibigan kong opisyal ng Philippine Constabulary ang nasa kabilang linya, at natatarantang nagsabi sa akin: “Mon, huwag kang maglalabas ng bahay na walang kasama.
Iwasan mo ang sa mga lugar na palagi mong pinupuntahan. Mag-iba ka ng rota papuntang bahay at papuntang opisina.”
Nang tinanong ko siya kung bakit, sinabi niya na narinig niya ang kanyang commanding general na nag-utos na ipa-ambush ako.
Ang mga inutusan daw ay mga taga “special ops,” ibig sabihin yung mga nagsasalvage. Isa kasi sa miyembro ng special ops ang aking kaibigan, pero di siya ang isa sa mga nautusan.
Hindi nila alam ang relasyon ko sa kanya.I followed his advice: Lahat ng sinabi niya sa akin ay sinunod ko. Months later, nakatagpo ko ang mga sundalo na inutusan na patayin ako.
Naging kaibigan ko sila dahil pinakilala ako sa kanila ng isa ko pang kaibigan. Kinumpirma nila na inutusan nga sila.
Muntik na pala ako. Kung hindi kay Fraulein, napatay kaya ako?