May nangangamoy na anomalya sa DOTC

ISANG memorandum na may petsang December 16, 2013 ang isinumite ni Atty. Gerard L. Chan kay DOTC Undersecretary Catherine P. Gonzales na may kaugnayan sa design and construction ng Puerto Princesa Airport project.

Sabi niya meron siyang nakikitang conflict of interest sa  evaluation ng Technical and Financial Bid. Conflict of interest? Paano at saan?

Ganito yun.  Ang pinuno ng Technical Working Group na siyang naatasang sumuri sa kapabilidad ay kinuha ang serbisyo ng Incheon International Airport Corporation (INCHEON) para tulungan sila sa pag-evaluate ng bid ng Kumho Industrial Co.

Sa unang tingin, maaaring walang iregularidad dito dahil pinahihintulutan ang pagkuha ng mga technical experts sa ganitong uri ng mga proyekto.

Ang kaso merong “relasyon” ang INCHEON sa bidder na Kumho. At iyon ang conflict of interest na nakikita ni Atty. Chan ng Office of the Assistant Secretary for Legal Affairs ng DOTC.

Partners ang INCHEON at Kumho sa ibang mga proyekto gaya ng Mactan-Cebu International Airport Expansion Project at isa pang project sa Myanmar.

Sa madaling salita, may record sila na nalathala pa nga sa mga pahayagan, sa Pilipinas at sa Myanmar, na sila ay magkatuwang sa mga malalaking proyekto.  May malinaw na ugnayan.

Ang tanong:  Magiging objective ba at walang bias ang evaluation na gagawin ng INCHEON para sa partner nitong Kumho?
Ito ang sinasabi ni Atty. Chan sa kanyang isinulat na December 16, Memorandum:

“…The objectivity, fairness and impartiality in the bidding for the PPDAP may be in doubt. In order to avoid any allegation of partiality, conflict of interest or confusion, it is respectfully recommended that the BAC, prior to negotiation with the Lowest Calculated Bidder, be advised of Items 4.3, Section 1 of the Instructions to Bidders for the PPADP which provides that,’ A bidder shall not have a conflict of interest.

All bidders found to have a conflict of interest shall be disqualified. A bidder may be considered as to have a conflict of interest with one or more parties if, (f) a Bidder was affiliated with a firm or entity that has been hired (or is proposed to be hired) by the Employer or Borrower as Engineer for the contract.”

Malinaw ang nakasaad, wala dapat ugnayan and isang bidder sa isang firm na kinuha ng employer (gobyerno). Hindi na pinakahabaan ng abogado ang kanyang opinyon.  Sa kanya ay pasubali, rekomendasyon.

Sinikap nating kapanayamin si Atty. Chan para higit tayong malinawan. Isang Tess, na bahagi ng kanyang staff ang nakatanggap ng aking tawag.

Sinabi ko ang pakay ng aking tawag, ang tungkol sa memorandum.  Sabi ni Tess: “Naku ma’am bakit may kopya kayo niyan eh internal memorandum po yan sa office. Paano po kayo nakakuha ng kopya?”

I have my sources, sabi ko na lang. Her response was a confirmation na may Memorandum nga. Tinawagan ko rin si DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya tungkol dito at sinagot naman niya ako.

Ang sabi niya:  “That’s still being evaluated. It’s still on-going. Hindi ako nakikialam sa Bids kasi but I’ll check. That’s technical side kasi.”

I asked him kung may weight ba ang recommendation ni Atty. Chan.  Ang sagot ni Sec. Abaya, “He’s from Legal, I’m not sure kung ano role ng Legal sa Bidding. Linawin ko.”

Ipinadala ko rin sa kanya ang kopya ng memorandum, base na rin sa kanyang request. I made follow up calls to ask him and he did not respond on my follow-up calls.

Siguro dahil holiday, busy. Hindi ang kakayanan ng Kimho ang kuwestyonable rito. Hindi rin ang kakayanan ng INCHEON na magbigay ng teknikal na pagsusuri. Ang kuwestiyon ay ang ugnayan ng dalawa sa isa’t isa.

Malinaw ang isinasaad ng mismong alituntuning gumagabay sa bidding sa anumang proyekto sa mga ahensiya ng pamahalaan. Conflict of Interest ang malinaw na tawag dito.

May papansin kaya sa rekomendasyon ni Atty. Chan?  Tayo’y magmasid, mag-abang, maging mulat at bantayan ang mga kalakarang tulad nito sa tanggapan ng DOTC.

Read more...