Ni Cristy Fermin
MAGKASUNOD na kalungkutan ang naganap sa mundo ng lokal na aliwan nitong mga nakararaang araw. Una ay ang walang katarungang pagpaslang kay Ramjen Revilla, anak ni dating Senador Ramon Revilla, Sr., sa dating nag-aartistang si Gennylyn Magsaysay.
Hindi pa man humuhupa ang kanilang lungkot ay lumabas sa imbestigasyon na dalawang kapatid ng yumaong si Ram ang pinagbibintangang may kinalaman sa krimen.
Sobrang sakit ang naramdaman du’n ng magkakapatid na Revilla, matinding dagok ‘yun para sa kanila, dahil hindi pa naililibing si Ram ay heto at isinasangkot na sa krimen ang dalawa nitong kapatid.
Dinampot sa mismong lamay si Joseph at pinaghahanap naman ngayon si Ramona, nagsalita na diumano ang isa pang dapat ay kasama nila sa “project,” pero hindi natuloy ‘yun.
Dalawang beses na palang pinagtangkaang patayin si Ram, una ay nu’ng Oct. 12, nabulilyaso ang pagtatangka nang marinig ng mga salarin na nagkasa ng baril si Ram sa kanyang kuwarto.
Nagkuwento ang aming source na nu’ng damputin si Joseph sa mismong lamay ay nagwala si Jennylyn, sinumbat-sumbatan nito si Senador Bong Revilla, dahil wala man lang daw ginawa ang aktor-politiko nang kunin ng mga pulis ang kanyang half-brother.
Talagang walang maaaring gawin sa ganu’ng pagkakataon si Senador Bong, masakit sa kanyang kalooban ang mga nagaganap, pero lahat naman sila’y katarungan ang hinahanap.
Tumututol ang isip ni Senador Bong na kasama nga sa mga nagplano sa pagpatay kay Ram si Joseph, pero ano ang kanyang magagawa kapag mga otoridad na ang kumilos, tanging pag-alalay lang sa kanyang kapatid ang magagawa ni Senador Bong.
Nasa ospital naman ngayon si Tito Ramon, hindi na kinaya ng beteranong aktor ang matinding stress, hindi nga naman ganu’n kasimpleng mamatayan ng anak sa isang paraang hindi makatarungan at pagbintangan din ang iba pa nitong mga anak sa naganap na krimen.
Harinawang sa mas maagang panahon ay magkaroon na ng linaw ang krimeng ito. Parusahan ang may kasalanan, magdusa dapat sa bilangguan ang mga nagplano sa pagpatay, dahil hindi ‘yun makatarungan at may nalagas na buhay sa kanilang ginawa.
***
Ang ikalawa naman ay ang pagpatay sa ama ni Charice Pempengco na si Ricky, bumibili lang diumano ng sigarilyo ang ama ng singer, nang saksakin ito ng pinakamalaking size ng icepick hanggang sa bumagsak at mamatay.
Agad namang umuwi si Charice at ipinagpaliban ang kanyang concert sa Singapore, nagpaumanhin siya sa kanyang mga tagahanga na kailangan niyang umuwi dahil namatay nga ang kanyang ama, naunawaan naman ng produksiyon ang kanyang sitwasyon.
Pero bago ang kanyang pagdating ay naglabas ng kanyang emosyon sa Twitter si Charice, sinusumbatan niya ang mga kapatid ng kanyang ama, matagal na ang alitang ito at nabuksan na lang uli ngayong namatay si Ricky.
Ang ina ni Charice ang nag-asikaso sa burol, pati sa pamimili ng kabaong ay si Raquel din ang namahala, matagal nang hiwalay ang mga magulang ni Charice.
Kahit ang Lola Tessie ni Charice ay may sama ng loob sa kanyang ina, matagal na ring hindi nagkakasundo si Raquel at ang kanyang nanay, malalim ang pinag-ugatan ng kanilang alitan.
Sabi nga ni Nanay Tessie, “Sana, ganyan ang ginawa nila nu’ng buhay pa si Ricky, mas maganda sana. Kung kailan patay na ‘yung tao, saka sila nagpakita ng ganyang malasakit,” emosyonal na pahayag ng nagpalaki kay Charice.
Martes nang hatinggabi dumating si Charice sa burol, binura na nito ang kanyang mga tweets, ayon sa international singer ay nagkaayos-ayos na raw sila ng pamilya ng kanyang ama. Sa mga ganitong pagkakataon ay lumalambot ang matitigas na puso, kinalilimutan natin ang mga alitan, dahil sa respetong ibinibigay natin sa namayapa nating mahal sa buhay.