Kris mahihirapan nang makakita ng bagong boyfriend


Sana nga ay magtuloy-tuloy na ang pagkawasak ng pader sa pagitan nina James Yap at Kris Aquino. Sa isang panayam kasi sa aktres-TV host ay sinabi niya na ganu’n na lang ang kanyang pagkatuwa dahil tumutulong ang basketbolista sa pagpo-promote ng pelikula ni Bimby.

Peace na raw, sabi pa ni Kris, na ikinatuwa naman ng mga nagmamahal sa kanila ni James. Bakit nga hindi, meron naman silang pinagsamahan, hindi imposibleng magkaayos din sila kung pareho lang nilang gugustuhing mangyari ang ganu’n.

Mas madali pa nga nilang masusumpungan ang pagkakasundo dahil meron silang buhay na patotoo tungkol sa nakaraan nilang relasyon, nandiyan si Baby James na sa ayaw at sa gusto nila ay mananatiling ebidensiya ng kanilang pagmamahalan, at James Yap na James Yap ang itsura ng kanilang anak.

Huwag lang maging balat-sibuyas si Kris ay gaganda ang relasyon nila ni James, may pagkasumpungera rin kasi ang babaeng ito, kung ano ang maisipan niyang gawin ay walang makapipigil na kahit sino sa kanya.

Tanggalin natin ‘yun ay siguradong maaayos ang kung anumang hindi nila pinagkakasunduan, magiging maayos ang kanilang kalooban, mapapasaya nila si Baby James na siyempre’y nangangailangan din ng pagmamahal ng isang ama.

May karelasyon nang iba si James, si Kris naman ay hindi ganu’n kadaling makakakita ng boyfriend dahil sa estado ng kanyang personal at propesyonal na buhay, kailangang tanggapin na nila ang katotohanan na hindi talaga sila dinisenyo nang matagalan para sa bawat isa.

Naaapektuhan pa rin siguro si Kris hanggang ngayon ng paghihiwalay nila ni James, pero dahil sa sobra niyang pagkaabala sa pagtatrabaho, ang mga ganu’ng emosyon ay hindi na niya naihahanap ng espasyo sa kanyang buhay.

Harinawang kakaibang sorpresa ang hatid kina James at Kris ng 2014, matapos na sana ang mga patutsadahan sa kanilang pagitan, kahit para man lang kay Baby James.

( Photo credit to Google )

Read more...