Dyowa para kina Kris, Ai Ai, Angel, Sarah; kapatawaran naman kina Wally at Anne

SA pagpasok ng 2014 (Year of the Horse), nais lang naming ihayag ang aming wish list para sa ilang malalaki at kontrobersiyal na celebrities natin sa industriya ng showbiz na dumaan sa matitinding pagsubok ng buhay.

Siyempre, gusto rin naman natin na may magawa tayong maganda sa pagpasok ng bagong taon, hindi yung puro na lang tayo kanegahan. Good vibes naman, kumbaga para buong taong maganda ang pananaw natin sa buhay.

ANNE CURTIS: Naniniwala kami na mabait na tao ang isa sa mga nangungunang endorser ngayon sa bansa. Kaya sa kabila ng kinasangkutan niyang iskandalo sa isang bar kung saan niya sinampal si John Lloyd Cruz at iba pa nitong kasamahan dahil sa kalasingan, wish namin na tanggapin na ng publiko ang kanyang sorry at patuloy pa ring mamayagpag sa 2014.

CLAUDINE AT GRETCHEN BARRETTO: Kahit na imposibleng mangyari ngayong bagong taon, gusto pa rin naming ipagdasal ang kanilang pagbabati. Sana nga, ma-realize nila na nagiging bad influence na ang kanilang pamilya sa iba dahil sa pagbabatuhan nila ng kanilang mga baho.

Mas manaig pa rin sana ang kanilang pagiging magkapatid – at matakot na sila sa karma, lalung-lalo na sa Diyos. Kay Gretchen, wish ko lang na tigilan na niya ang pang-aalipusta sa kanyang mga magulang dahil kung hindi, tiyak na may pagsisisihan siya sa bandang huli.

RAYMART SANTIAGO: Buti na lang at magaling magdala ng problema ang nakahiwalay na mister ni Claudine Barretto. Sa kabila nga ng hirap at dusa na pinagdaanan niya noong magkasama pa sila sa iisang bubong ng dating misis, nanatiling buo ang loob ni Raymart, at patuloy pa ring lumalaban kahit na wala na sa pangangalaga niya ang mga anak.

Ang gusto namin para sa kanya, magkaroon na sila ng kasunduan ni Claudine sa pangangalaga ng kanilang mga anak dahil kahit na ano pang sabihin nilang dalawa, mga anak pa rin nila ang talo sa kanilang demandahan.

CHARICE: Hindi man kasingtindi ng away nina Gretchen at pamilya nito ang nangyari sa kanila ni Mommy Raquel, magiging malaking balakid pa rin sa tagumpay niya bilang isang magaling na singer ang hindi nila pagkakaintindihan ng kanyang nanay.

Kaya sa pagpasok ng 2014, dasal namin na mahimasmasan na ang mag-ina at ma-feel nila na kailangan pa rin nila ang isa’t isa. Matanggap na sana ni Mommy Raquel na tomboy talaga si Charice.

AI AI DELAS ALAS AT KRIS AQUINO: Parehong walang swerte sa lalaki ang mag-friendship na ito. Parehong kontrobersiyal ang pakikipaghiwalay nila sa kani-kanilang mga asawa, si Kris kay James Yap, at si Ai Ai sa negosyanteng si Jed Salang.

Magkaiba man ng rason ng break-up, iisa pa rin ang tingin sa kanila ng mas nakararami naing kababayan – malas sila sa lalaki. Dahil dito, gusto namin silang i-wish na makatagpo na ng taong mamahalin sila ng tunay at hindi lang dahil sa kayamanan at kasikatan nila.

ANGEL LOCSIN: Tila wala ring ipinagkaiba ang Kapamilya actress kina Kris Aquino at Ai Ai delas Alas pagdating sa pakikipagrelasyon. Nakailang boyfriend na si Angel pero palagi na lang nauuwi sa hiwalayan.

Akala ng marami ay sila na ni Phil Younghusband ang magkakatuluyan pero naghiwalay din. Hindi naman natin alam kung na kanino ba talaga ang problema – sa mga lalaki kaya o kay Angel mismo?

Pero kahit na ano pa ang sabihin ng iba, gusto pa rin naming lumigaya si Angel at sana nga’y matagpuan na niya ang kanyang dream guy!

WALLY BAYOLA: Tiyak na hindi lang kami ang umaasa na makakabalik pa ang partner ni Jose Manalo sa pagpapatawa sa Eat Bulaga. Feeling namin, pwede na uling magpakita sa publiko si Wally dahil naniniwala kami na napatawad na siya ng mga dabarkads matapos na pag-usapan ang kanyang sex video kasama si EB Babe Yosh.

Pero dapat mangako siya sa harap ng madlang pipol na hinding-hindi na siya gagawa ng isang bagay na pagsisisihan niya uli.

SARAH GERONIMO: Isa lang naman talaga ang gusto ng mga nagmamahal sa Pop Princess – ang makita siyang maligaya sa lalaking mamahalin niya at magmamahal sa kanya ng tunay, hindi ‘yung gagamitin lang siya para magkaroon ng sariling pangalan.

Mabait na anak si Sarah, masipag at talagang mapagmahal sa mga taong sumusuporta sa kanya, pero mukhang may “sumpa” rin siya pagdating sa lalaki.

Kaya sa 2014, umaasa kami na magiging kumpleto na ang kaligayahan ng singer-TV host-actress dahil kay Matteo Guidicelli.At sana’y suportahan na lang sila ni Mommy Divine at huwag nang kumontra sa lalaking pinili ng anak.

MARIAN RIVERA AT DINGDONG DANTES: Pinanday na sa katatagan ang royal couple ng GMA 7. Imagine, buong taon silang pilit na iniintriga at binabalahura sa mga social media, pero hinding-hindi sila nagpaapekto.

Matatag pa rin ang relasyon nila at kahit na may kani-kanya nang ka-loveteam sa kanilang mga proyekto, hindi nasisira ang tiwala nila sa isa’t isa.

Kaya ang wish namin sa kanila, mas tatagan pa nila ang kanilang loob dahil siguradong sa 2014, mas marami pa ang magtatangkang wasakin ang nasimulan nila. Alam n’yo na, hindi sila titigilan ng bashers hangga’t hindi sila bumabagsak.

( Photo credit to Google )

Read more...