Durant binuhat ang Thunder kontra Bobcats


CHARLOTTE, North Carolina — Gumawa si Kevin Durant ng 34 puntos at 12 rebounds para pamunuan ang Oklahoma City Thunder sa panalo kontra Charlotte Bobcats, 89-85, sa kanilang NBA game kahapon.

Hindi nakasama ng Thunder sa nasabing laro si Russell Westbrook na sumailalaim sa arthroscopic surgery sa kanyang kanang tuhod at hindi siya makakapaglaro hanggang matapos ang All-Star break.

Umiskor si Durant ng 14 puntos sa fourth quarter at nagtapos na may 14 of 28 mula sa field. Si Serge Ibaka ay nag-ambag ng 12 puntos at siyam na rebounds para sa Thunder, na nagwagi ng pitong sunod na road games at 11 sa 12 kabuuang laro.

Pinalitan ni Reggie Jackson si Westbrook at tumira siya ng 4 of 19 mula sa floor. Nagawang malusutan ng Thunder ang Bobcats matapos sumablay si Josh McRoberts sa kanyang wide-open 3-pointer may tatlong segundo ang nalalabi sa laro.

Kings 108, Heat 103 (OT)
Sa Sacramento, nagtala si DeMarcus Cousins ng 27 puntos at 17 rebounds habang si Rudy Gay ay umiskor ng 26 puntos para pangunahan ang Sacramento Kings na makabangon mula sa 17-puntos na paghahabol at talunin ang kulang sa taong Miami Heat sa overtime.

Si Isaiah Thomas ay nag-ambag ng 22 puntos, 11 assists at pitong rebounds para tulungan ang Kings na putulin ang six-game winning streak ng Heat.

Tumira si Gay ng game-tying jumper sa huling minuto ng regulation at ang Sacramento ay agad iniwanan ang Miami sa extra period para pasiyahin ang sellout crowd na umabot sa 17,317 katao.

Si LeBron James ay gumawa ng 33 puntos, walong rebounds at walong assists habang si Chris Bosh ay nagdagdag ng 18 puntos at pitong rebounds para sa two-time defending NBA champions.

Hindi naman nakapaglaro para sa Miami kahapon sina Dwyane Wade (rest), Ray Allen (right knee tendinitis) at Chris Andersen (sore back).

Warriors 115, Suns 86
Sa Oakland, California, nagtala si Stephen Curry ng career high na 16 assists at 13 rebounds kasama ang 14 puntos para pangunahan ang Golden State Warriors na talunin ang Phoenix Suns at iuwi ang ikaapat na sunod na panalo.

Nag-ambag si Klay Thompson ng 21 puntos para sa Warriors habang si David Lee ay nagdagdag ng 17 puntos.
Gumawa naman si P.J. Tucker ng 11 puntos at 12 rebounds para pamunuan ang Suns, na galing sa tatlong sunod na panalo at walo sa siyam na laro.

( Photo credit to INS )

Read more...