Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
3:30 p.m. Barangay
Ginebra vs Meralco
5:45 p.m. Petron Blaze
vs Talk ‘N Text
MAPATATAG ang hawak sa solo liderato at makabawi sa katunggali ang hangad ngayon ng Barangay Ginebra San Miguel Kings sa pagsagupa nito sa Meralco Bolts sa 2013-14 PLDT myDSL PBA Philippine Cup sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang sagupaan sa pagitan ng Barangay Ginebra at Meralco ay gaganapin alas-3:30 ng hapon at susundan ito ng paghaharap ng Petron Blaze at Talk ‘N Text sa main game na isasagawa ganap na alas-5:45 ng hapon.
Ang Gin Kings ang isa sa pinakamainit na koponan sa kasalukuyan at nakapagtala sila ng limang sunod na panalo matapos na matalo sa Bolts, 100-87, noong Disyembre 3.
Dinaig ng Gin Kings ang defending champion Talk ‘N Text (97-95), Barako Bull (85-79), Air21 (78-69), Alaska Milk (96-89) at Petron Blaze (97-83) para umangat sa 8-1 kartada at makuha ang solo liderato.
Patuloy na sasandalan ni Barangay Ginebra coach Renato Agustin ang twin tower combination nitong sina 7-foot center Gregory Slaughter at 6-foot-10 power forward Japeth Aguilar.
Makakatuwang naman nina Slaughter at Aguilar sina Mark Caguioa, LA Tenorio, Mac Baracael, Chris Ellis at Jayjay Helterbrand.
Ang Meralco, na may 3-6 record, ay manggagaling naman sa tatlong diretsong kabiguan matapos talunin ng Petron (77-73), Alaska (91-82) at Barako Bull (99-86).
Ang huling panalo ng Bolts ay laban sa San Mig Coffee Mixers, 72-64, noong Disyembre 11. Muli namang aasahan ni Meralco coach Paul Ryan Gregorio sina Gary David at John Wilson para pangunahan ang opensa ng koponan.
Makakaagapay nila sina Mike Cortez, Jared Dillinger, Rabeh Al-Hussaini at Reynel Hugnatan. Ang Petron Blaze, na may 7-2 karta, ay pipiliting makabangon buhat sa dalawang sunod na kabiguang nalasap sa kamay ng Rain or Shine (99-95) at Barangay Ginebra (97-83) sa pagtatapat nila ng Talk ‘N Text.
Sasandigan naman ni Boosters coach Gee Abanilla sina Arwind Santos, Christopher Lutz, Marcio Lassiter at Alex Cabagnot upang pamunuan ang opensiba ng koponan.
Samantala, kumana si Jeff Chan ng 34 puntos kabilang ang 7-of-10 3-point field goal shooting para tulungan ang Rain or Shine Elasto Painters na maungusan ang Barako Bull Energy, 99-95, sa kanilang laro kagabi sa Mall of Asia Arena.