Miami Heat tinalo ang LA Lakers

LOS ANGELES — Umiskor sina Chris Bosh at Dwyane Wade ng tig-23 puntos para pamunuan ang Miami Heat na talunin ang Los Angeles Lakers, 101-95, sa kanilang NBA game kahapon at itala ang ikaanim na sunod na pagwawagi.

Humablot din si Bosh ng 11 rebounds para sa Heat na kinubra ang ikalimang diretsong panalo laban sa Lakers sa kanilang Christmas Day matchup.

Nag-ambag naman si LeBron James ng 19 puntos habang si Ray Allen ay may 12 puntos para sa Heat.
Tumira ang Miami ng 51 porsiyento (41 for 80) mula sa field at umangat sa 7-0 karta laban sa mga koponang mula sa Western Conference ngayong season. Ito rin ang ika-19 diretsong panalo nila sa kabuuan kontra sa mga katunggali sa West.

Gumawa si Nick Young ng 20 puntos para sa Lakers, na tumira ng 42 porsiyento (33 for 79) sa laro at nalasap ang ikatlong sunod na pagkatalo.

Hindi naman naglaro si Lakers superstar guard Kobe Bryant na nanood lang sa sideline bunga ng fractured left knee para maputol ang kanyang NBA-record Christmas Day appearances sa 16 laro.

Si Jodie Meeks ay nagdagdag ng 17 puntos para sa Los Angeles habang si Xavier Henry ay nag-ambag ng 14 puntos. Nagtala naman si Pau Gasol ng 13 puntos at 13 rebounds para sa Lakers.

Thunder 123, Knicks 94
Sa New York, kumana si Kevin Durant ng 29 puntos habang si Russell Westbrook ay nagtala ng triple-double para sa Oklahoma City Thunder na nilampaso ang New York Knicks, na hindi nakasama si Carmelo Anthony.

Hindi nakapaglaro si Anthony dahil sa sprained left ankle na natamo sa kanilang laro kontra Orlando Magic.

Ang panalo ng Thunder ay ika-10 nila sa 11 laro at ang 29-puntos na panalo nila ng pinakamalaki para sa isang road team sa isang Christmas game.

Nagtapos si Westbrook na may 14 puntos, 13 rebounds at 10 assists para sa kanyang kauna-unahang triple-double ngayong season at pampito sa kanyang career. Si Serge Ibaka ay nagdagdag ng 24 puntos para sa Oklahoma City.

Nagtala si Amare Stoudemire ng season-high 22 puntos para pamunuan ang Knicks.

Read more...