KUNG minsan ay kailangan talaga ng isang koponan na makatikim ng kabiguan upang ma-realize na hindi ito ‘invincible’ at puwedeng masilat kapag nagpabaya.
Iyan marahil ang nangyari sa crowd-favorite Barangay Ginebra San Miguel nang ito’y matalo sa Meralco Bolts, 100-87.
Shocking na maituturing ang kabiguang iyon considering the fact na angat na angat ang Gin Kings kung malalaking tao ang pag-uusapan.
Biruin mong hindi nakapaglalaro sa Meralco noon ang mga injured players na sina Kerby Raymundo at Cliff Hodge.
Pagkatapos ay nagtamo pa ng sprain si Reynel Hugnatan sa first quarter at hindi na nagamit hanggang sa dulo ng laro.
Aba’y sino na lang ang natira? Si Don Carlos Allado na lang ang big man nila na puwedeng itapat sa apat na higante ng Ginebra.
Oo, apat.
Kasi nga’y nasa Barangay Ginebra San Miguel ang pinakamatinding twin tower combination ng PBA sa katauhan nina Japeth Aguilar at prized rookie Gregory Slaughter. Nakuha pa ng Gin Kings buhat sa Meralco si Jay-R Reyes kapalit ni Raymundo. At nasa lineup pa naman nila si Billy Mamaril.
Pero nagkumpiyansa nang todo-todo yata ang Gin Kings kung kaya’t nabaligtad ang pangyayari. Sila ang nilaro ng Bolts at malayo ngang nanalo ang Meralco.
May nagsabi na natuligsa raw si coach Renato Agustin dahil sa hindi nito masyadong pinagsabay sina Slaughter at Aguilar. Hindi nito ginamit nang husto ang advantage nito kontra Bolts.
Pero hindi lang naman iyon ang dahilan, e.
May karamdaman din naman ang ilang key players ng Gin Kings tulad nina Mark Caguioa, LA Tenorio at Jayjay Helterbrand kung kaya’t kinapos din sila.
Well, hindi na nasundan ang kabiguang iyon.
Natuto na ang Gin Kings sa mapait na karanasan nila. Pagkatapos na matalo sa Bolts ay nagrehistro ng apat na sunod na panalo ang Ginebre. At hindi basta-basta ang kanilang tinalo.
Ginapi nila ang Talk ‘N Text, Barako Bull, Alaska Milk at Petron Blaze.
Biruin mong dalawa sa apat na teams na tinalo nila ay nagkampeon noong nakaraang season.
Naungusan nila ang Tropang Texters, 97-95, sa pamamagitan ng three-point shot ni Aguilar. Tinalo nila ang Barako Bull nang gumawa si Slaughter ng 15 puntos at 15 rebounds. Laban sa Aces ay namayagpag agad ang Gin Kings sa first half pa lamang. Kontra sa Petron ay sinamantala nina Aguilar at Slaughter ang pagkawala ni June Mar Fajardo samantalang kumamada rin si Caguioa.
Siyempre, kung naging wake-up call para sa Gin Kings ang pagkatalo nila sa Meralco, puwede rin silang ipaghele ng apat na sunod na panalong naiposte nila.
Ito naman ang dapat nilang maiwasan. Baka kasi maisip nila na kayang-kaya ang kalaban sa puntong ito, e.
Dapat ay palaging isasaisip nila na hindi pa tapos ang kanilang misyon at mahaba pa talaga ang laban!