Ni Bella Cariaso
BUKOD sa sinasabing kapre na sikat sa tawag na Mr. Brown na namamahay sa malaking punong Balete sa harap mismo ng entrance ng Palasyo ng Malacañang, sari-saring kwento ng kababalaghan din ang nararanasan rito mula pa noong panahon ng mga nagdaang pangulo at sa kasalukuyang administrasyon.
Sa isang panayam sa Bandera sa isang mataas na opisyal ni Pangulong Aquino na hindi na nagpabanggit ng pangalan, kinumpirma niya na mismong siya ay minulto na sa loob ng Palasyo.
Ayon sa opisyal, una niyang naramdaman ang multo sa Palasyo nang minsan ay may pulong ang Gabinete.
Partikular na idinetalye ng opisyal ang naranasan sa President’s Hall.
“One time, we were in the President’s Hall. So, long table and we were seated according to protocol,” kwento ng opisyal.
Aniya, nakaupo siya malapit sa dulo na kung saan katabi niya si Health Secretary Enrique Ona nang dumating si Education Secretary Armin Luistro.
“So, ako ang nasa dulo, so I have a vacant seat, and then Bro. Armin arrived, so I thought maybe they’ll ask me to move so he can sit properly.
“So I was sitting at the end and I heard someone saying “ma’m” very softly. So, I felt something, nandito sa may right ear ko. Ang katabi ko noon si Secretary Ona (na nasa kaliwa), so paglingon kong ganun, walang tao sa likod ko… ok… that’s very audible, kaya napalingon ako,” dagdag ng opisyal.
Multo sa picture
Idinagdag pa ng opisyal na isa pang insidente ay nang may pagtitipon sa Heroes Hall ng Palasyo kung saan may nakasamangmulto sa litrato ang isang staff ng isang gobernador.
“Staff siya ng isang governor, nagpunta siya sa Heroes Hall kasi may event. Nang umalis na yung mga tao we took the opportunity, merong podium, kasi may seal ng President, so nagpapicture siya. We usually do it yung magpa-picture. Nang lumabas yung picture may kasamang multo sa litratro,” kwento pa ng opisyal.
Multo nanggagaya ng hitsura
May pagkakataon din anya na ginagaya ng mga multo sa Palasyo ang hitsura ng mga tao rito.
Madalas umano itong nangyayari sa ikatlong palapag ng New Executive Building na ang dating tawag ay Burloloy building.
“Dito, parang ang dami mong kamukha. There was an instance na magkaharap kami ni Usec (Manolo) Quezon, may big conference room, tumayo ako at lumabas. Manolo was there inside, pero paglabas ako, kaharap ko na siya kaagad.
“Manolo was there in front of me. I told him, were you just there? Marami kaming ganyan. Pati mga staff namin, makikita nandun ako sa isang table pero nakauwi na pala ako.”
Bago pa tuluyang umupo si Aquino noong 2010, pina-bless na nila ang Palasyo.
Bagamat may mga nagpaparamdam dito, ayon sa opisyal, ay hindi naman nananakit ang mga ito.
Normal na rin ang kwento ng ibang staff ng Palasyo tungkol sa batang naglalakad at babae sa banyo.
May kwento rin ang isang staff sa Communications Group na hindi na rin nagpabanggit ng pangalan.
“Sa office ni Atty. Abby (Valte) sa loob, around 5pm, may lumalabas na Chinese guy, meron din na babae na naglilibot, lumilibot siya.
“Tapos meron certain times sa office na marami ang nasa loob lalo na minsan nakatayo sa gilid, nakatayo sa labas ng bintana.
Tapos meron pang isang dalaga, pumapasok sa mga banyo tapos sinasara ang mga pintuan, nagbubukas ng tv, electric fan, bigla na lang magbubukas, dito yan basically sa third floor. So, iba pa yung kwento sa nasa baba, sa briefing room, iba pa yun, sa first floor iba pa yun, sa labas,” kwento ng staff.
Ayon pa sa staff, hindi lang nararamdaman kundi nakikita niya kung may multo, pero kadalasan ay hindi niya nakikita ang mukha ng mga ito.
May ibang kwento rin si Beldad Gantalao, na nagsilbing staff noon pang panahon ng yumaong dating pangulong Ferdinand Marcos at ngayon ay nasa opisina na ni Assistant Secretary Rey Marfil.
Ayon kay Gantalao, kapag Sabado, may naririnig siyang humihilik sa opisina ni Presidential Communications Operations Office head Secretary Herminio “Sonny” Coloma gayong wala namang tao rito.
Idinagdag pa ni Gantalao na may pagkakataon din na may tila pumipigil sa mga pinto kapag binubuksan mo ang mga ito o kaya naman ay may nararamdaman siyang kasama sa loob ng mga CR ng NEB. Ikinuwento pa ni Gantalao na may pagkakataon din na nakakita na siya ng naglalakad na kandilabra noong nasa Kalayaan Hall pa ang Press Working Area.
(Ed: May reaksyon ka ba? I-post na! Isulat lang ang pangalan, edad, lugar, at ang iyong mensahe)