Juday: Hindi ko kayang makipag-inglisan nang matagal, 5 minuto nahihilo na ‘ko!

TILA wala nang dapat hilingin pa ang aktres na si Judy Ann Santos-Agoncillo dahil sa magandang takbo ng kanyang karera at pagkakaroon ng masayang pamilya. Ngunit gayon pa man, inamin ng Queen of Pinoy Soap Opera  na may kinaiinsekyuran pa rin siya.

Ayon sa aktres, isa sa pinakamalaking insecurities niya sa buhay ang hindi niya pagtatatapos ng pag-aaral, iyan ang inamin niya sa interview sa kanya ni Anthony Taberna sa Tapatan Ni Tunying na mapapanood ngayong hapon sa ABS-CBN.

“Hindi ko kayang makipag-inglesan nang matagal. Parang dalawang minuto, limang minuto, nahihilo na ‘ko,” biro ni Juday.
Binahagi rin ng aktres na lubos siyang naapektuhan noon sa mga pangungutya ng mga tao dahil sa kanyang katawan at timbang.

“Ako ‘yung tipo ng tao na hahayaan ko lang ‘yong iba na mang-alipusta nang mang-alipusta hanggang sa manabang na sila, dahil hindi ko sila pinapansin, kahit na sa loob ko nasasaktan din ako,” pahayag niya.

Samantala, ibinuking naman ng asawa niyang si Ryan Agoncillo ang pagiging selosa nito ngunit hindi raw ito inaamin ng aktres, “Selosa lang ako kung may dapat pagselosan,” sabi ni Juday.

Ibabahagi rin ni Juday ang pakikipagsapalaran niya showbiz ng 26 taon at ang sikreto niya sa mahigit dalawang dekada ng pagiging matagumpay sa industriya. Bukod dito ay ikukwento rin ni Juday ang personal niyang buhay bilang isang mahigpit na ina.

Lahat iyan sa Tapatan ni Tunying ngayong hapon, 4:45 p.m. sa ABS-CBN Kapamilya Gold.

( Photo credit to Google )

Read more...