ISA kami sa masuwerteng naimbitahang manood sa special screening ng “Kimmy Dora: Ang Kyemeng Prequel” sa Glorietta cinema 4 noong Lunes na dinaluhan ng cast tulad nina Eugene Domingo, Moi Bien at Sam Milby.
Nakita rin namin sina Pokwang, Enchong Dee, Yeng Constantino kasama ang boyfriend niya, Slater Young kasama si Rachelle Ann Go at ang dalawang direktor na sina Andoy Ranay at Wenn Deramas.
Samantala, nakita namin ang magulang ni Sam na umuwi raw ng Pilipinas para makasama niyang iselebra ang Pasko at Bagong Taon dito.
Nakita naming tumatawa naman ang dalawang direktor habang pinapanood sina Kimmy at Dora kaya tiyak na nagandahan sila sa pelikula.
At kaya nasa special screening si direk Wenn ay bilang suporta kay Uge na siya raw mismo ang naka-discover, ayon mismo sa aktres at higit sa lahat, para rin siguro malaman kung ano ang mas maganda, ang “Kimmy Dora” o ang “Girl Boy Bakla Tomboy” na kanyang idinirek na kasama rin sa Metro Manila Film Festival.
Kaya hiningan namin ng komento si direk Wenn kung ano ang masasabi niya sa “Kimmy Dora: Ang Kyemeng Prequel.” “Maganda, malinis, buo, mahusay si Uge, siya dapat ang Best Actress!” say ng box-office direktor.
Hindi na kuwestiyonable ang kahusayan ni Uge bilang aktres kaya nga siya tinawag na The Global Actress dahil ilang best actress awards na rin ang nai-uwi niya mula sa iba’t ibang film festival sa ibang bansa.
At base sa kabuuan ng pelikula, nagustuhan namin ang opening ng pelikula na mala-James Bond at parang atake ng Hollwood actor-director na si Quentin Tarantino.
Bagama’t may mga ilang laylay sa pelikula, maraming beses naman kaming matatawa kina Kimmy at Dora at higit sa lahat may mga eksenang matatandaan ka paglabas mo ng sinehan, hindi katulad ng ibang pelikulang napanood namin na magtatanong kami sa kasama namin ng, “Ano pa ang katanda-tandang punchline sa napanood natin?”
Maglalaway naman ang mga kababaihan kay Sam Milby dahil yummy talaga, ‘yun nga lang wala siyang ipinakitang acting dahil robotic pala ang papel niya kaya matigas.
Pero, mahusay siya sa aksyon kaya siguro ito ang gusto niyang next project, ang maging action star siya. Hinahanap pa rin namin ang tulad nina Zanjoe Marudo at Dingdong Dantes na nakakatawang leading men nina Dora at Kimmy kaya siguro nanibago kami kay Samuel.
Anyway, may special participation ang dalawang aktor sa pelikula plus Piolo Pascual na isa sa producer ng Spring Films.
Base rin sa napanood namin ay malabo nang magkaroon ng part 4 ang pelikula at tama nga si Uge na ayaw na niya ng isa pang “Kimmy Dora” dahil ninipis na ang istorya.
Anyway, okay naman ang “Kimmy Dora: Kyemeng Prequel” pero tingin namin, ang target audience nito ay AB crowd dahil hindi kaagad mage-gets ni Aling Tasing o ni Mang Juan sa kanto ang mga joke.
Sabi naman sa amin ng mga sumubaybay ng “Kimmy Dora” franchise, “AB crowd talaga ang nakaka-appreciate ng jokes ni Uge, hindi naman siya pang-masa at si direk Chris (Martinez), ito talaga ang crowd niya.”
Ayon naman sa mga nanood ng MMFF Parade noong Linggo, ay ang float ng “Kimmy Dora” ng Spring Films ang pinakamaganda na ginastusan ng P300,000, pangalawa ang “Shoot To Kill: Boy Golden” mula sa Scenema Concept International at Viva Films at pangatlo raw ang “Pedro Calungsod”.
Well, abangan na lang natin sa Biyernes, Dis. 27 kung ano ang mananalong Best Float.
( Photo credit to Google )