Mga Laro sa Miyerkules
(Mall of Asia Arena)
5:45 p.m. Air21 vs Global Port
8 p.m. Petron Blaze vs Barangay Ginebra
WINAKASAN ng Barako Bull Energy ang kanilang anim na diretsong talo matapos padapain ang Meralco Bolts, 99-86, sa kanilang 2013-14 PLDT myDSL Philippine Cup elimination round game kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sinandalan ng Energy ang mahusay na paglalaro ng beteranong playmaker na si Denok Miranda na nagtala ng 17 puntos at limang assists para pangunahan ang balanseng opensiba ng koponan na may pitong manlalaro na umiskor ng double figures.
Kapwa nag-ambag sina Willie Miller at Mick Pennisi ng 14 puntos mula sa Barako Bull bench.
Ang tatlong free throws ni Pennisi ang nagbigay sa Energy ng 84-66 kalamangan may 9:36 ang nalalabi sa ikaapat na yugto bago ito sinundan ni Miranda ng 3-pointer para tuluyang iuwi ng koponan ang panalo, 94-78, may 2:09 ang natitira sa laban.
Si Mark Macapagal at JC Intal ay pareho namang nagdagdag ng 11 puntos habang sina Rico Maierhofer at Dorian Peña ay may tig-10 puntos para sa Barako Bull na nakasama ang Meralco at Alaska Aces sa ikapitong puwesto sa 3-6 kartada.
Pinangunahan naman nina Gary David at Mike Cortez ang Bolts, na nalasap ang ikatlong sunod na talo, sa kinamadang 20 puntos habang si Rabeh Al-Hussaini ay nagtala ng 19 puntos at 16 rebounds.
Sa ikalawang laro, naungusan ng Talk ‘N Text Tropang Texters ang Air21 Express, 87-82.
( Photo credit to INS )