Sayang at hindi tinanong si John Lloyd Cruz sa presscon ng bagong programang Home Sweetie Home noong Biyernes dahil handa naman pala niyang sagutin kung may magtatanong tungkol sa kanila ni Anne Curtis.
Sabi mismo ng taga-production ng programa, bago humarap si Lloydie, kinausap muna namin siya nakaharap ang handler niya si tita Neneth at ‘yung EP (executive producer) at si Ms. LT (Linggit Tan).
“Kasi siyempre kailangan naming alamin kung anu-ano ang limitations ni John Lloyd para hindi magkaroon ng aberya during the presscon, baka alam mo na, so tinanong namin kung paano kung may magtanong about that (Anne Curtis incident), actually, siya pa nga nagsabing, ‘Tungkol kay Anne?’
“Sabi namin, oo, kasi tiyak na itatanong ‘yun. Ang bilis ng sagot niya, ‘Shoot, sasagutin ko.’ “Kaya kami nina Ms. LT, kampante kami na kung may magtatanong about sa nangyari, okay lang kasi may basbas naman ni Lloydie, e, walang nagtanong, siguro kinakapa pa nila. Kaya sayang, di ba?”
Plano naman talaga namin ay sa one-on-one interview, e, kaso kaagad namang hinila ang aktor ng head publicist ng unit na si MJ Felipe dahil may interview pa sila kay Boy Abunda para sa “Ikaw Na!” segment ng Bandila.
Anyway, pangalawang pagtatambal na nina JLC at Toni Gonzaga ang Home Sweetie Home dahil nauna na ang pelikulang “My Amnesia Girl” na talagang box-office hit kaya naman naisipang pagsamahin sa sitcom ang dalawa dahil sa maganda nilang chemisty, say mismo ng taga-production.
Natanong naman ang aktor kung anong adjustment ang ginawa niya para sa sitcom nila ni Toni dahil sa unang pagkakataon ay ngayon lang magko-comedy ang aktor sa telebisyon.
“Wala namang masyadong teknik o pagbabago, basta sabi lang nina tita Linggit, Direk Bobot (Mortiz) na be yourself, intindihin mo lang kung ano (sitwasyon), ibang medium ‘to, e, pang TV, sitcom, so timing iba.
“Sa ganu’ng kasong points, ‘yun lang ang adjustment, pero sa amin ni Toni, wala naman masyado (adjustment), kasi on the side, ‘yung movie na ginawa namin, I can’t really say na intense drama ‘yun na medyo may sayad din ako ro’n, so hindi mahirap,”say ni Lloydie.
Ang Home Sweetie Home na nga ba ang papalit sa John en Marsha nina Mang Dolphy at Nida Blanca na ilang taong umere sa telebisyon, “Parang baliw po ‘yung magsasabi no’n, hindi po yata, imposibleng mangyari ‘yun.
“Pero kasi sila ‘yung nag-represent ng Pinoy household, so ‘yung aming household po, hindi naman din malayo sa typical na Pinoy household, ‘yung biyenan mo, kasama mo sa bahay, isang bahay kayo lahat, nagkakagulo, so hindi rin siguro imposible na maihalintulad ‘yung household na mayroon ang Home Sweetie Home sa household nina Mang Dolphy,” katwiran ng binata.
At dahil mag-asawa ang papel nina Lloydie at Toni sa programa nila ay natanong kung may away ding magaganap sa kanila at kung may sampalan scene ang dalawa.
“E, kung karapat-dapat akong sampalin…pero congratulations ha, naipasok n’yo (sampalan nila ni Anne),” nakangising sabi ni Lloydie na ikinaloka ng lahat.
Ano naman ang wish ni John Lloyd para sa 2014? “Well, pagpasok ng 2014, bukod do’n sa maging successful ang lahat ng tinutulungan natin ngayon, sana, I wish for Tacloban for a speedy recovery, hindi lang Tacloban, Ormoc, lahat ng affected areas, sana mabilis ‘yung pagka-recover.
I know mahirap pero ‘yun ang mawi-wish ko,” seryosong sabi ng aktor. Bukod kina JLC at Toni, kasama rin dito sina Rico Puno, Jayson Gainza, Miles Ocampo, Clarence Delgado, Joross Gamboa, Ketchup Eusebio, Mitoy Monting, Ryan Bang, Edan Nolan, Eric Nicolas, at Ms. Sandy Andolong.
( Photo credit to Google )