KALULUKLOK pa lamang ay inaway na si Renato Corona. Inaway rin si Gloria Arroyo. Inaway rin si Merceditas Gutierrez.
Inaway rin si Gloria Arroyo.
Inaway si Prisco Nilo. Inaway si Rolando Mendoza. Inaway rin si Gloria Arroyo.
Inaway ang media, dahil sa pakikialam sa lovelife (kung tutuusin, walang pakialam ang media sa lovelife dahil ang senior members nito, kapag walang lovelife ang soltero, o matandang binata, ay nauunawaan nila ito dahil hindi sila alagad ng showbiz).
Imbes na awayin ang dambuhalang mga mamumuhunan sa industriya (monopolya) ng langis dahil sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis, inaway sina Gloria Arroyo at Jose Miguel Arroyo.
Inaway ang mga pari dahil sa kanilang Pajero at sports utility vehicles (sa bandang huli, wala palang Pajero). Inaway si Rosario Uriarte at inaway na rin si Gloria Arroyo.
Imbes na awayin ang mga opisyal ng DBP na naghahabol ng pang-SONA, inaway ang isang abogado na nagpakamatay at inaway si Roberto Ongpin. Inaway na rin si Jose miguel Arroyo.
Muli, inaway si Renato Corona. Alam na ng lahat kung sino ang susunod na aawayin.
Binay, Binay na nga
SA loob ng 24 oras, nagtalumpati si Vice President Jejomar Binay sa tatlong lugar, sa Puerto Princesa, Palawan at dalawang malalayong lugar (dahil sa trapik na di malutas ng MMDA) sa Metro Manila.
Pagkagat ng dilim, ay nagtuloy pa si Binay sa lamay ng kanyang tauhan, ang pinaslang na opisyal ng Department of Social Welfare and Development, at Atty. Augusto Cesar, vice president ng Polytechnic University of the Philippines, sa Bangkal, Makati.
Matutulog na lamang ay tiniyak pa niya na malapit na sa Isabela ang ipinadalang tatlong trak ng relief goods para sa mga biktima nina Pedring at Quiel.
Maraming imbitasyon si Binay para magtalumpati (bakit si Binay at di ang Ikalawang Aquino), kaya kulang na siya sa speech writer at maraming pagkakataon na siya na mismo ang nagsusulat ng kanyang talumpati.
Ayaw ni Binay na gumamit ng i-Pad para basahin ang talumpati dahil “anti-poor” daw ito, kaya’t ang pinagtiyagaang talumpati na nakasulat sa bond paper ang dala-dala.
Di inihahayag ng Office of the Vice President ang schedule ni Binay, basta na lamang nababalitaan ito. Tulad ng pamimigay ng tulong sa mga binaha’t binagyo, pati na ang mga nasunugan, di ang mga ito nakasaad sa press release; at wala ring press release, madalas.
Trabaho lang, nang trabaho, si Binay. Siya na nga.