Good choice si Ticzon

MALAKING sugal para kay team owner Mikee Romero ang pagkakakuha kay Ritchie Ticzon bilang head coach ng Globalport Batang Pier para sa 37th season ng PBA.

Sa totoo lang, hindi naman talaga si Ticzon ang original choice ni Romero  upang halinhan si Edmund “Junel” Baculi isang linggo bago nag-umpisa ang season.

Pinagpipilian niya ang mga assistant coaches na sina Nash Racela ng Talk ‘N Text, Olsen Racela ng SanMig Coffee at Alex Compton ng Alaska Milk.

Pero nakatali na ang mga ito sa kani-kanilang mother teams at hindi nagnais na humiwalay. So, si Ticzon na sana’y assistant coach lang ang siyang naging head coach ng Batang Pier.

Isang malaking sugal. Pero so far  ay umaani ng magandang dibidendo ang sugal na ito. Biruin mong for the first time ay may winning streak ang Globalport sa PBA.

Kahit kailan kasi noong nakaraang taon ay hindi nakapagtala ng back-to-back na panalo ang Batang Pier na nangulelat sa lahat ng tatlong conferences sa unang season nito sa pro league matapos na mabili ang prangkisa ng Coca-Cola/Powerade.

Pero sa kasalukuyang PLDT myDSL PBA Philippine Cup, aba’y hindi lang back-to-back na panalo ang naitala ng Globalport. Tatlong dikit!

Nagsimula ang streak nang talunin ng Batang Pier ang Meralco Bolts, 93-89, noong Disyembre 3. Isinunod nila ang Rain or Shine, 90-88, at pagkatapos ay tinalo nila ang Alaska Milk, 94-84. Dahil dito ay umangat sila sa record na 4-3.

Masasabing napapasunod ng batambatang si Ticzon ang kanyang mga manlalaro na naniniwala naman sa kanyang kakayahan.

Sa totoo lang, batambata din naman ang kanyang koponan. Aba’y apat ang active rookies ni Ticzon dahil nasa  lineup sina Terrence Romeo, RR Garcia, Nico Salva at Justin Chua.

Ang ikalimang rookie na kinuha ng team, si LA Revilla, ay nasa reserved list. Kumbaga’y sabay-sabay na umuusbong sina Ticzon at mga rookies niya.

At tinutulungan sila ng mga beteranong sina Solomon Mercado at Jay Washington na parehong naging kapamilya ng Globalport  noong mga  amateur  pa sila.

Ang dalawang ito’y mga manlalaro ni Romero sa Philippine Basketball League kung saan naghari ang kanyang prangkisa bago siya umangat sa PBA. So, alam nina Mercado at Washington kung ano ang kiliti ni Romero.

Alam na nila ang ‘feel’ ng kumpanya. Kaya naman pinamumunuan nila ang mga rookies kasama ng kanilang rookie coach. Isa pang kuya ng mga bata ay si Eric Menk na nalipat dito buhat sa Barangay Ginebra matapos na hindi maglaro sa PBA noong nakaraang season.

Hindi ganoon kahaba ang playing time ni Major Pain pero sapat na ito para makatulong at maka-inspire sa mga bata. Hindi naman star-studded ang Globalport.

Katunayan ay panay role players na ang mga manlalaro ni Ticzon. pero nakikita naman na buhos talaga ang mga ito sa bawat laro. Kasi nga’y mayroon silang nais na patunayan.

Sa Biyernes ay makakaharap ng Globalport ang sumasadsad na SanMig Coffee. matinding kalaban ang Mixers lalo’t healthy na ang mga key players ni coach Tim Cone. Isang acid test ang larong ito.

Kung lulusot ang Globalport at mapapahaba pa nito ang streak, aba’y mas dadami pa ang maniniwala kay Ticzon at mga bata niya!

Read more...