Anna Liza atat nang gumanap na Dyesebel


Maganda ang taong ito para sa teleserye princess at ngayo’y certified award-winning child actress na si Andrea Brillantes dahil sa tagumpay na inaani sa kanyang career.

Bukod sa patuloy na namamayagpag sa ratings at extended ang kanyang launching soap na Annaliza, nagwagi rin si Andrea kamakailan ng kanyang unang acting award bilang Best Child Performer sa ginanap na Star Awards for TV.

Bagamat nag-uumapaw ang mga blessing sa kanyang buhay ay nanatiling nakatapak sa lupa ang kanyang dalawang paa. Sa kanyang murang edad, mas hiling pa ni Andrea ang ikabubuti ng kapwa kaysa magpabili ng bagong laruan o magagarang damit.

“Wish ko po ngayong Pasko ay maging okay na ang lahat lalo na ang mga nasalanta ng bagyong Yolanda,” sabi ni Andrea kasabay ng pag-amin na wish din niyang gumanap na young Dyesebel sa gagawing remake ng sikat na Pinay mermaid ng ABS-CBN.

Nang tanungin kung paano magbabago ang pasko niya ngayong isa na siyang ganap na child superstar, ang sagot ni Andrea ay “Wala naman pong magbabago sa amin ngayong Pasko.

Kasama ko pa rin po ang pamilya ko at mananatiling simple ang selebrasyon namin.” Kung sa totoong buhay ay masaya ang pasko ni Andrea, tila nanganganib naman ang pasko ng kanyang karakter bilang Annaliza dahil sa mga sunod sunod na pasabog na yayanig sa kanyang buhay.

Nabuko na ni Isabel (Denise Laurel) ang pagbabait-baitan ni Stella (Kaye Abad) kaya naman agad nitong pinalayas ang ahas sa kanyang pamamahay.

Ngunit, hindi agad magpapatalo si Stella at sa halip ay mas itotodo pa nito ang balak na mapasakanyang muli si Lazaro (Patrick Garcia) at tuluyang mawasak ang pamilya Benedicto.

Tulad ng ina, mas titindi rin ang kasamaan ni Arlene (Kyline Alcantara) at gagawin din nito ang lahat mapabagsak lang si Annaliza.

Kasabay ng lahat ng ito ay ang pagbangon pa rin ni Guido (Zanjoe Marudo) sa pagkakadapa at ang patuloy nitong pagganap bilang ama kay Annaliza sa kabila ng lahat ng gulong nangyari sa kanyang tunay na pamilya.

Pero kung akala nila si Stella ang dapat manmanan ay nagkakamali sila dahil muling bubuwelta si Makoy (Carlo Aquino) para maningil.

Kikidnapin niya hindi lang sina Annaliza at Arlene, kung hindi pati mga kaibigan nila. Dadalhin niya ito sa isang abandonadong mansyon at ikukulong hanggang mamatay.

Katapusan na ba ito ng mga bata? Paano sila mahahanap ng kanilang pamilya? Kailan pasasabugin ni Makoy ang sikreto ni Stella? Napapanood ang Annaliza gabi-gabi, bago mag-TV Patrol sa Primetime Bida ng ABS-CBN.

( Photo credit to Google )

Read more...