Bus nahulog sa Skyway, 18 patay


LABINGWALO katao ang nasawi habang 16 pa ang nasugatan nang mahulog ang pampasaherong bus mula sa Skyway na sakop ng Parañaque City at bumagsak sa isang cargo van kahapon ng umaga, ayon sa pulisya.

Sa tala ng pulisya, 14 sa mga nasawi ay mga lalaki at apat na babae, kung saan karamihan ay isinugod sa Taguig-Pateros District Hospital, sabi ni Senior Supt. Sheldon Jacaban, deputy director for operations ng PNP Highway Patrol Group (HPG).

Isang Rolly Borres ang nasawi habang dinadala sa Paranaque Medical Center (PMC), ani Jacaban.Inaalam pa ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng ibang nasawi, aniya.

Unang inulat ng HPG na 22 ang nasawi at 20 ang nasugatan sa insidente, ngunit ibinaba ang mga bilang nang makatanggap ng ulat mula sa unit nitong malapit sa pinangyarihan.

Kabilang sa mga sugatan ang bus driver na si Carmelo Calatcat, cargo van driver na si Gilbert Montallana, at mga pasaherong sina Ericson Balajadia, Pepe Padilla, Benjie Albunag, Rebeca Tolentino, Ofelia Esnec, Fernando Talagro, Dionisio Tasara, at Rolando Valero.

Nilalapatan pa ng lunas ang 10 sa Paranaque Doctors Hospital habang isinusulat ang balitang ito.Tatlo pang biktima, na nakilala bilang sina Lino Teodorico, Ryan Breca, at Lexter Leona, ang ginagamot sa PMC habang sina Leo Turingan at Jelyn Mendoza, ay nilulunasan sa Ospital ng Muntinlupa.

Isa pang pasahero, na nakilala bilang si Lolita Rance, ang isinugod sa South Superhighway Medical Center at inilagay sa intensive care unit, ani Jacaban.

Naganap ang insidente alas-5:40 ng umaga, habang binabagtas ng Don Mariano bus (UVC-916) ang southbound lane ng Skyway.

Minamaneho ni Calatcat ang bus na nagmula Novaliches, Quezon City, at patungong Pacita Complex, Laguna, nang mahulog ang sasakyan at bumagsak sa Mazda aluminum van (ULX-874) na dala naman ni Montallana.

“Ang cause, according to one of the victims, is overspeeding tapos di na-control ng driver ang wheels, nag-zigzag, tumama sa railings, at nahulog sa Skyway. ‘Yung isang vehicle nabagsakan niya,” ani Jacaban.

Bukod sa pagkamatay at pagkasugat ng maraming tao, nagdulot din ang insidente ng mabigat na daloy ng trapiko dahil humambalang ang nawasak na bus at cargo van sa highway.

Driver, may-ari ng bus, panagutin

NANGAKO ang Palasyo na pananagutin ang may-ari at driver ng Don Mariano bus matapos ipag-utos ni Pangulong Aquino ang imbestigasyon sa insidente at alamin kung may nakadroga.

Sa briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na inutusan ni Aquino si Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Wilson Gines na suspindihin ng 30 araw ang 78 bus ng Don Mariano.

“During the 30-day suspension, Secretary Jun Abaya also ordered si Chairman Wilson Ginez to conduct an investigation. First, kung ito bang driver na ito ay—to undergo drug test; and also to review the performance of Don Mariano.

It has been more than twice na may mga incidents involving Don Mariano,” ani Lacierda. Kasabay nito, sinabi ni Lacierda na aatasan din ng Malacanang sina Abaya at Gines na repasuhin ang ipinatutupad na speed limit sa Skyway.

“And that’s the reason why we implemented a 60-kilometer speed limit sa Commonwealth, and also dito sa Skyway, siguro, we will ask them to review the speed limit kung if it’s something that they should try to revisit,” ani Lacierda.

Ayon kay Lacierda, nahaharap ang driver sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, injury at damage to property.
Aniya, may panukala rin na dagdagan ang parusang ipinapataw sa mga sangkot sa aksidente.

“Kahit na magkamot ng ulo iyan, may kaso talaga ‘yan. In this case, multiple homicide siya,” ani Lacierda.

( Photo credit to INS )

Read more...