HINDI binigyan ng Sandiganbayan si dating Pangulong Gloria ng “Christmas furlough” o bakasyon sa kanyang kulungan sa Veterans Memorial Hospital.
Ang iba niyang co-accused sa pagnakaw ng intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay nabigyan ng bail o pansamantalang paglaya, pero hindi siya.
Kawawang Gloria! Ang ibig sabihin ng kanyang pangalan ay “kasayahan” pero siya’y nagdurusa.
Kung alam lang sana ng Sandiganbayan na walang kinalaman si Gloria sa pagnakaw ng PCSO intelligence fund!
Ang may alam niyan ay ang kanyang esposo na si dating First Gentleman Mike Arroyo.
Sinabi sa akin ng isang opisyal ng PCSO na walang kamalay-malay si Gloria sa pinaggagawa ni Mike Arroyo sa PCSO.
Pinepeke raw ni Mike ang pirma ni Gloria.
Ang kasalanan lang ng dating Pangulo ay hinayaan niyang maghari-harian si Mike sa PCSO.
Nang umupo si Gloria bilang Pangulo kapalit ni Erap na pinaalis ng taumbayan sa Edsa 2, binigay niya ang mga ahensiya ng gobiyerno na pagkakakitaan ng illegal na pera kay Mike.
Ang mga ahensiyang pinabayaan niya kay Mike ay ang Bureau of Customs, Philippine National Police (PNP), Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Walang sinayang na panahon si Mike Arroyo sa paggamit ng kanyang kapangyarihan sa mga ahensiyang nabanggit.
Sa Bureau of Customs, halimbawa, pumasok ang querida ni Mike na si Vicky Toh at ang kanyang hilaw na bayaw na si Tomas Toh sa smuggling.
Naglalabas ng walang pakundangan ng mga kargamiyento ang magkapatid na Toh sa South Harbor at Manila International Container Port na walang binabayarang buwis at taripa.
Sa PNP, pinakialaman ni Mike Arroyo ang jueteng, na kung tawagin ay “sugal lupa,” dahil malaking perang natatanggap dito bilang suhol sa mga top PNP officials.
Nakihati si Mike, ang kanyang kapatid na si Iggy Arroyo at ang kanyang anak na si Mikey sa mga opisyal ng PNP sa pagtanggap ng “intelihensiya” (suhol) sa mga jueteng lords.
Siyempre, mas malaki ang tinanggap ni Mike, Iggy at Mikey sa jueteng lords kesa sa mga opisyal ng PNP.
Di rin pinatawad ni Mike ang PNP sa pagnakaw ng pera ng taumbayan. Ipinagbili niya ang kanyang lumang helicopter sa PNP na pinalabas niyang bago.
Sa Pagcor, binibigyan si Mike ng porsiyento ng kita sa mga casino.
Ganoon din sa PCSO. Walang magawa ang mga opisyal ng PCSO kundi sumunod sa mg autos ni Mike na bigyan siya ng pera dahil ginagamit niya ang pangalan ni GMA.
Ang siste nito, maliit na di hamak ang kinita ni GMA sa kurakot bilang Pangulo kumpara kay Mike Arroyo.
Ang perang malaki ay napunta kay Mike.
Ang ginawa ni Mike ay nilagay niya sa pangalan ni Iggy Arroyo at Vicky Toh ang mga ninakaw niyang pera sa taumbayan.
Nang mamatay si Iggy ay napunta sa kung kanino ang perang inintrega sa kanya ni Mike.
Nang subukang kunin naman ni Mike kay Vicky Toh ang pera para kay GMA upang gamitin sa kanyang hospitalization and medicine at ibang gastusin, ayaw namang ibigay ni Vicky.
Sinabi raw ni Vicky na ibibigay lang niya ang pera ni GMA kapag nagsama na sila ni Mike.
Kawawang GMA!