Cabagnot nahirang na PBA Player of the Week


PARANG hindi nanggaling sa injury at nagpahinga ng dalawang buwan ang point guard na si Alex Cabagnot  na tumulong sa Petron Blaze na magposte ng back-to-back na panalo noong nakaraang linggo.

Ipinakita ni Cabagnot na hindi siya pinabagal ng foot injury nang magpasok siya ng game-winning layup upang talunin ng Petron ang Air21, 90-88, noong Miyerkules.

Tatlong araw pagkatapos niyon ay nagtala siya ng 17 puntos upang maungusan ng Boosters ang Meralco Bolts, 77-73, sa kanilang out-of-town game sa Dipolog City.

Dahil dito, si Cabagnot ang siyang nahirang na Accel-PBA Press Corps Player of the Week para sa period na Disyembre 9 hanggang 15.

Dinaig niya sa botohan ang kanyang kakamping si June Mar Fajardo at sina Japeth Aguilar, Gregory Slaughter at Mac Baracael ng Barangay Ginebra at Solomon Mercado ng Globalport.

Sa dalawang games na nilaro matapos makabalik sa injury, ang 6-foot guard na si Cabagnot ay nag-average ng 13.5 puntos, 5,5 rebounds at 6.5 assists sa 31.5 minuto.

Pinalalim muli ng produkto ng University of Hawaii-Hilo ang backcourt ng Petron Blaze na nanatiling walang talo sa pitong laro sa 2013-14 PLDT myDSL PBA Philippine Cup.

At kahit si Petron coach Gelacio Abanilla III ay walang pagsidlan ng tuwa.

( Photo credit to INS )

Read more...