BOSTON — Tumira si Jamal Crawford ng dalawang krusyal na 3-pointers sa huling tatlong minuto ng laro para tulungan ang Los Angeles Clippers na maiwanan ang Boston Celtics at ibigay kay coach Doc Rivers ang unang panalo sa pagbabalik nito sa Boston matapos itala ang 96-88 pagwawagi sa kanilang NBA game kahapon.
Umiskor si Crawford ng 21 puntos mula sa bench habang si Chris Paul ay nagtala ng 22 puntos, siyam na assists at pitong rebounds. Nag-ambag naman si Blake Griffin ng 18 puntos para sa Clippers, na nanalo sa ikapitong pagkakataon sa 10 laro.
Umiskor naman si Jeff Green ng 29 puntos para pamunuan ang Boston. Si Jordan Crawford ay nagdagdag ng 20 puntos at siyam na assists habang si Brandon Bass ay nagtala ng 17 puntos at 12 rebounds para sa Celtics, na nalasap ang ikalawang sunod na pagkatalo.
Warriors 95, Mavericks 93
Sa Oakland, California, tumira si Stephen Curry ng pull-up jumper may tatlong segundo ang nalalabi sa laro upang selyuhan ang mahusay na paglalaro sa ikaapat na yugto at tulungan ang Golden State Warrios na makabangon sa 18 puntos na paghahabol para talunin ang Dallas.
Kinamada ni Curry ang 16 sa kanyang 33 puntos sa huling yugto at nagtapos din siya na may siyam na assists at apat na rebounds.
Si Harrison Barnes ay nag-ambag ng 17 puntos, si David Lee ay nagdagdag ng 15 puntos at 11 rebounds habang si Andrew Bogut ay humablot ng season-high 18 rebounds para mabalewala ng Warriors ang ginawang 18 turnovers at masagwang pagsisimula sa laro.
Sina Monta Ellis at Dirk Nowitzki ay kapwa umiskor ng 21 puntos habang si Calderon ay may 18 puntos para sa Dallas na tinapos ang kanilang road trip na may 2-2 kartada.
Knicks 83, Bulls 78
Sa New York, gumawa si Carmelo Anthony ng 30 puntos at 10 rebounds para pangunahan ang New York Knicks sa panalo laban sa Chicago Bulls.
Si Amare Stoudemire ay nagtapos na may 14 puntos at siyam na rebounds para sa Knicks, na winakasan ang dalawang sunod na pagkatalo.
Kumamada si Mike Dunleavy Jr. ng 20 puntos para sa Bulls, na natalo ng tatlong sunod at lima sa anim na laro.
Nag-ambag naman si Joakim Noah ng 12 puntos at 11 rebounds matapos magbalik mula sa bruised right thigh injury.
Hindi nakapaglaro si Luol Deng sa ikatlong diretsong laro bunga ng sore left Achilles.
Timberwolves 106, 76ers 99
Sa Minneapolis, nagtala si Kevin Love ng 26 puntos, 15 rebounds at limang assists para tulungan ang Minnesota Timberwolves na makabangon mula sa 19-puntos na paghahabol at padapain ang inaalat na Philadelphia 76ers.
Gumawa si Ricky Rubio ng 21 puntos, pitong assists at limang rebounds, si Nikola Pekovic ay nagdagdag ng 20 puntos at 10 rebounds habang si Robbie Hummel ay bumirada ng ilang krusyal na tira para sa Wolves upang makabangon sila sa huling yugto.
Si Spencer Hawes ay nagtala ng 20 puntos at anim na rebounds para sa Sixers.