Ginto kay Alkhaldi

NAPAGWAGIAN ng swimmer na si Jasmine Alkhaldi ang pang-apat na gintong medalya ng Pilipinas sa ginaganap na 27th Southeast Asian Games sa Nay Pyi Taw, Myanmar kahapon.

Nagwagi ang London Olympian na si Alkhaldi sa women’s 100m freestyle sa tiyempong  56.65 segundo para talunin ang mga Singaporean na sina Ting Wen Quah (56.74) at Amanda Xiang Qi Lim (57.21).

Ang baguhan na si Matt Navata ay pumasok din sa finals ng men’s 400m individual medley pero nalagay lamang siya sa pang-apat na puwesto sa likod ng mga taga-Singapore, Thailand at Vietnam.

Si Navata ay nakapagtala ng 4:30.75 tiyempo.

Samantala, tinalo ni light flyweight Josie Gabuco si Sornka Chantavonsra ng Laos para umusad sa finals ng women’s boxing.

Dominado ni Gabuco ang kabuuan ng laban nila ni Chantavonsra para maging ikalawang Filipina boxer na pumasok sa gold medal round ng women’s boxing pagkatapos ni Nesthy Petecio.

Ang Sinag Pilipinas men’s basketball team naman ay nanalo sa ikatlong pagkakataon para tumibay din ang paghahabol ng gintong medalya sa 11-bansang torneo.

Si Ronald Pascual ay mayroong 20 puntos para pangunahan ang limang national players na gumawa ng mahigit 10 puntos tungo sa 118-43 demolisyon ng host Myanmar.

Ang 75-point winning margin ay magandang momentum para sa 15-time champion Pilipinas sa pagharap ngayon laban sa Thailand na hiniya ang Cambodia, 80-67, para tapatan ang 3-0 marka ng pambansang koponan.

Ang mga panalong ito ay tumabon sa pagkasilat ng dalawang lady pugs na sina Maricris Igam at Irish Magno laban sa mga beteranang Thai boxers para makontento sa tansong medalya.

Hindi rin maganda ang kampanya ng chess team sa SEAG chess dahil nakatabla lamang si Grandmaster Darwin Laylo kay Nay Kyaw Tun ng Myanmar at natalo si GM Eugene Torre kay Muhammad Luftiali ng Indonesia.

Read more...