Ikatlong dikit na panalo puntirya ng Globalport

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5:45 p.m. Alaska Milk vs Globalport
8 p.m. Barako Bull vs Barangay Ginebra

Team Standings: Petron Blaze (6-0); Barangay Ginebra (4-1); Rain or Shine (4-2); Talk ‘N Text (3-2); Globalport (3-3); Meralco (3-3); Barako Bull (2-3); Alaska (2-4); SanMig Coffee (1-5); Air21 (1-6)

TARGET ng Globalport ang franchise-best na ikatlong sunod na panalo kontra sa hindi makaalagwang Alaska Milk sa PLDT myDSL PBA Philippine Cup ngayon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Sa isa pang laro ay pinapaboran ang Barangay Ginebra San Miguel laban sa sumasadsad na Barako Bull.

Ang Globalport ay may 3-3 karta at galing sa back-to-back na panalo kontra Meralco (93-89) at Rain or Shine (90-88).

“We are very positive. Everybody’s trusting each other. And that trust is building and building,” ani Globalport coach Ritchie Ticzon.

Ang pagratsada ng Batang Pier ay pinamunuan ni Solomon Mercado na nahirang na Accel PBA Press Corps Player of the Week kamakailan. Si Mercado ay sinusuportahan nina Jay Washington at rookies Terrence Romeo at RR Garcia.

Ang Alaska Milk ay halos hindi makausad at galing sa 86-85 pagkatalo sa Petron noong Sabado upang bumagsak sa 2-4.

Subalit naniniwala si coach Luigi Trillo na makakabangon ang Aces sa pamumuno nina Calvin Abueva, Cyrus Baguio, Sonny Thoss at JVee Casio.

Read more...