Charice naipagtanggol ang sarili nang hindi binabastos ang lola

CHARICE AT ALYSSA

Mabuti naman at nilinaw na rin ni Charice Pempengco ang mga naging rebelasyon ng kanyang lola nang mainterbyu namin ito sa Showbiz Police. Matagal din bago binasag ng magaling na international singer ang kanyang pananahimik naramdaman siguro niya na habang nagtatagal ‘yun ay baka maniwala na ang publiko, kaya nagpaliwanag na rin siya.

Sa kuwentong nakarating kay Nanay Tess Relucio na nagtangka siyang mag-suicide sa pamamagitan ng paglalaslas ng kanyang pulso ay umalma si Charice, hindi raw niya kailanman ginawa ‘yun, dahil mahal na mahal niya ang kanyang buhay.

Tungkol naman sa istoryang wala na siyang pera ay madiing sinabi ni Chaice na patuloy siyang nagtatrabaho para kumita, hindi raw totoo ang balitang naghihirap na siya, katwiran ng magaling na singer ay walang aabot sa ganu’ng sitwasyon kung magsisipag ka lang.

Sinabi rin ni Charice na hindi man sila nagkikita at nagkakaintindihan ngayon ng kanyang ina ay mahal pa rin niya ito at ang kanyang kapatid na si Carl, alam daw niya na darating din ang panahong magkakasundo-sundo rin sila, dahil gusto niyang isipin na wala namang problemang hindi nareresolbahan.

Mabuti at nagpaliwanag agad si Charice, dahil kung hindi ay nabubuo na talaga ngayon sa isip ng mas nakararami nating kababayan na naghihirap na nga siya, puwede pa ngang isipin ng iba na ang dahilan ng kawalan niya ng pera ay ang karelasyon niyang si Alyssa Quijano kahit wala naman itong kinalaman sa isyu.

Mas mabuti na nga naman ang malinaw kesa sa malabo. Nakatutuwa lang malaman na nilinaw ni Charice ang isyu nang walang tono ng kawalan ng galang sa kanyang lola, naipaliwanag niya ‘yun nang maayos, dahil ‘yun naman ang kanyang naturalesa.

Read more...