Paulo, Shaina takot sa mga ligaw na kaluluwa

PAULO AVELINO AT SHAINA MAGDAYAO

Nahayblad na naman kami sa grand presscon ng “Pagpag: Siyam Ang Buhay” na handog ng Star Cinema at Regal Entertainment para sa 39th Metro Manila Film Festival kahapon, bossing Ervin dahil hinaharang ng handlers ni Paulo Avelino ang mga tanong namin kasama ang ilang katoto sa one-on-one interview.

Bale ba, ang mga nasabing handler ang nagsabing, “Pa-interview po si Paulo” dahil bago tumuloy sa Dolphy Theater ang buong cast ng “Pagpag” ay pinapunta muna sila sa table para makausap ng media dahil pagkatapos ng presscon ay kaagad na aalis ang lahat ng artista dahil may mga lagare pa.

In fairness bossing Ervin, sobrang appreciated namin si Paulo dahil sinasagot niya ang mga tanong namin at hindi na nagtataray o nambabara kapag hindi niya type ang tanong.

Siya na ngayon ang pinipigilan ng handler na dumaldal kaya natuwa kami para sa kanya dahil nakita namin ang effort niya maski pinagbabawalan na siya.

At dahil nakita ni Paulo na nairita kami ay lumapit siya sa amin at hinagod ang likod at nakangiting sabi sa amin, “Pasensiya na po tita.”

Sa simpleng gesture ng aktor ay napangiti na niya kami at okay na, at least naging sensitive siya, hindi katulad ng ibang artista na dedma lang.

Samantala, sina Paulo at Shaina Magdayao ang magka-partner sa pelikulang “Pagpag, Siyam ang Buhay” mula sa Star Cinema at Regal Entertainment na idinirek ni Frasco Mortiz na sinulat naman ni Joel Mercado.

Tungkol sa mga kabataang dumalaw sa burol ang kuwento ng “Pagpag” na hindi sinunod ang mga pamanhiin kaya’t nagkaroon ng hindi magandang nangyari sa buhay nila.

Ayon kay Paulo ay naniniwala raw siya sa nasabing pamahiin, “Naniniwala po ako at nagagawa ko rin pong mag-pagpag at hindi lang dahil sa takot na baka sumama ‘yung espiritu para magtanggal na rin ng bigat (pakiramdam) na nakukuha mo rin sa burol.”

First time magsama nina Paulo at Shaina kaya sobrang appreciated ng aktor ang dalaga dahil napaka-professional at hindi siya nahirapan dahil wala silang workshop dahil kaagad silang isinalang sa shooting.

Ngarag kasi sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo dahil lagare sila sa shooting at taping ng Got To Believe, si Paulo naman ay sa Honesto at si Shaina para sa You’re My Home kaya siguro wala na silang panahong mag-workshop.

At base sa trailer ng “Pagpag” na ipinakita sa entertainment press kahapon ay nakakatakot naman ito, sabi nga ni Daniel, “Mag-eenjoy ang mga lalaki kapag kasama nila ang girlfriends nilang manonood dahil tiyak na mapapayakap sila.”

Samantala, sa pagtatapos ng 2013 ay masaya raw si Paulo dahil maganda ang nangyari sa career niya ngayong taon na maski may mga pagsubok ay nalusutan naman niya ito.

Kaya sa 2014 ay, “Mas makagawa ng pelikula ulit tulad ng ‘Pagpag’. I don’t know, gusto ko ‘yung masu-surprise na lang ako,” nakangiting sabi ng aktor.

Tinanong namin kung ano ang plano niya ngayong Pasko at Bagong Taon para sa anak nila ni LJ Reyes na si Aki.

“Well, medyo personal na po ‘yun, pero para sa anak ko, I’ll make sure na I will find time for him this holiday season,” napangiting sabi ng aktor.

Miss na nga ni Paulo ang anak dahil sumaya ang aura niya nang kumustahin namin ang anak nila ni LJ.

Read more...