Reklamo ng OFW sinagot

ITO ay may kaugnayan sa idinulog ng letter sender na si Roberto Palermo.

Maliban sa Overseas Workers Welfare Administation (OWWA) ay agad ding umaksyon ang Philippine overseas Employment Administration (POEA) sa pangunguna ni POEA administrator Hans Leo Cacdac sa hinaing na inilapit ni Mr. Palermo sa pamamagitan ng Aksyon Line.

Inatasan ni Cacdac si Palermo na magtungo sa tanggapan ng POEA at doon ay kinausap siya hinggil sa kanyang mga hinaing.

Matapos nito ay saka siya dinala kay Atty. Celso Hernandez, hepe ng Legal Division.
Inalam at sinuri ang naging karanasan ni Palermo sa kanyang pinasukan sa West Africa at kung ano ba ang magiging habol o laban niya sa recruitment agency na nagpaalis sa kanya.

Bunsod nito ay ipatatawag ng POEA ang TUEM management recruitment agency, ang ahensiya na nagpaalis kay Palermo.

Sa inisyal na pagsusuri ng POEA, posible umanong may pananagutan ang recruitment agency na nagpaalis kay Palermo papuntang West Africa para magtrabaho.

Pero binigyan pa rin ng POEA ang recuitment agency na makapagpaliwanag.

Paghaharapin ang may-ari o kinatawan ng recruitment agency at si Palermo para isaayos ang problema.

Sakaling hindi magkasundo o hindi sumipot nang tatlong beses na pagpapatawag, maaari nang isampa ang kaso sa NLRC.

Ilan sa mga nakikita ng POEA na maaring may paglabag ay ang mga sumusunod :
overcharging of placement fee, non-issuance of official receipt, misrepresentation, criminal offense, civil case for damages as joint and solidarily liable, at attorney’s fees.

Pinababalik ng POEA si Palermo sa kanilang tanggapan sa Disyembre 11 at inaasahan na makakaharap nito ang may ari o kinatawan ng recruitment agency.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapag- lingkuran sa abot ng aming makakaya.
Kaya naman huwag kayong mag-atubiling sumulat sa Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad st., Makati City.
Maaari rin kayong mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@gmail.com Serbisyo publiko sa AKSYON LINE. Kakampi mo! Maaasahan!

Read more...