MULI na namang nagtatalu-talo ngayon kung pantay nga ba ang hustisya na ipinaiiral sa mayaman at mahirap, matapos mabigyan ng parole si dating Batangas Gov. Antonio Leviste.
Sabi ng ilan, ang papeles lang ng mayayaman ang umuusad at nakakakuha ng parole.
Maraming ibang preso na higit na kwalipikadong makalaya pero nananatiling nakakulong at hindi nabibigyan ng parole.
May mga nakakulong na ang kaso ay pagnanakaw.
Walang makain ang pamilya, kaya nagnakaw.
No choice sabi ng mga ito, kailangang malamanan ang kumakalam na sikmura ng kanilang pamilya.
Naalala ko tuloy ang palaging sinasabi ni Erap noon na “Hungry stomach knows no law.”
Sabi tuloy nila, ang parole ay para lang sa mayayaman at hanggang parol lang sa mga mahihirap na preso.
Kung si Leviste ay gustong makalabas ng New Bilibid Prison, mukhang kabaliktaran naman ito sa nais ni retired Major Gen. Carlos Garcia, dating comptroller ng Armed Forces.
Si Garcia ay sumulat sa Sandiganbayan at hiniling na manatili siya sa NBP at huwag nang ilipat ng kulungan.
Natapos na kasi ang parusa ni Garcia sa NBP kaugnay ng paglabag sa Articles of War na kanyang kinakaharap.
Siya kasi ay mayroon pang kinakaharap na plunder case, isang non-bailable offense.
Pwedeng ilipat si Garcia sa kulungan ng mga taong hindi pa convicted pero ayaw niya. Mas gusto niya sa loob ng Bilibid kung saan siya naglilingkod bilang lay minister ng Our Lady of Lourdes Chapel.
Maging matagumpay nga kaya si dating Sen. Ping Lacson bilang rehabilitation czar?
Walang makapalag sa desisyong ito ni Pangulong Aquino, walang gustong magsalita na taga-administrasyon para kontrahin ang kanyang desisyon.
Duda ang ilan kung susunod kay Lacson ang mga kalihim ng mga ahensya na kailangan niya para sa rehabilitasyon ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda.
O baka isabotahe pa siya ng mga ito para tiyakin na hindi siya magtatagumpay.
Sapantaha nga ni Vice President Jejomar Binay, presidentiable material itong si Lacson, kahit
nilampaso siya nang una siyang tumakbo.
May mga naniniwala na posibleng maging behikulo ni Lacson ang kanyang bagong trabaho.
Kung maaayos niya ang mga nasalanta ng bagyo, maaari rin niya itong gawin sa buong bansa.
Hirit naman ng ilan, mas mabuti na naging rehab czar siya dahil kung hindi ay baka siya pa ang italagang boss ng Bureau of Customs.
Ilan na nga ba ang bilang ng namatay sa bagyong Yolanda?
Nagkakaroon na kasi ng pustahan sa mga umpukan kung alin daw ang mas malapit na bilang 2,500 gaya ng sabi ni PNoy o ang 10,000 gaya ng sinabi ng isang opisyal na pulis na sinibak sa puwesto.
Para sa komento, reaksyon at tanong, i-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.