PILIPINAS NAKA-2 GINTO SA WUSHU

HINDI binigo nina Jessie Aligaga at Denbert Arcita ang inaasahang ginto mula sa wushu nang talunin ang mga nakalaban sa finals sa sanda kahapon sa Naypyitaw, Myanmar.

Si Aligaga na dating world champion ay nangibabaw kay Dasmantua Simbolon ng Indonesia sa 48-kilogram division habang nangibabaw si Arcita kay Phithak Paokrathok ng Thailand.

Hindi naman pinalad sina Divine Wally at Evita Elise Zamora matapos matalo sa mga Vietnamese sanda artists na sina Thi Chinh Nguyen at Thu Hoai Nguyen para makontento sa pilak sa women’s 48-kg at 52-kg divisions.

Isa pang tanso ang naibigay ni Francisco Solis sa men’s 56-kg class upang maging makinang ang laban ng mga sanda artist ng bansa.

Nabigo naman si Margarito Angana na magkaroon ng ginto sa men’s -55-kg sa greco-roman nang matalo siya kay Doui Dang Tien ng Vietnam.

Sa hinakot na mga medalya ng pambansang atleta, ang Pilipinas ay umangat na sa naunang kinalagyan na ikawalong puwesto tungo sa pang-anim na puwesto sa 11-bansang kompetisyon tangan ang dalawang ginto, apat na pilak at isang tansong medalya.

Ang naunang pilak ay ibinigay nina Keithley Chan at Daniel Parantac sa men’s duilian sa taolo ng wushu.

“It is always a great feeling when our team wins a medal. I am proud of them and I am sure there will be more,” wika ni PSC chairman Ricardo Garcia.

Sinabayan pa ang pag-ani ng ginto ng bansa ng pagkapanalo ng men’s at women’s basketball teams na nagbukas ng kampanya kahapon.

Ang mga bench players na sina Mark Belo, Kevin Ferrer at Bobby Ray Parks Jr. ay nagsanib sa 40 puntos para kalusin ang Singapore, 88-75, habang kuminang din ang women’s team na binawian ang Malaysia sa 65-59 panalo.

Dikitan ang labanan ng Pilipinas at Singapore hanggang sa ikatlong yugto bago pumukol ng magkasunod na tres sina Ferrer at Parks upang ilayo na ang tropa ni coach Jong Uichico sa walo, 58-50.

Umabot sa 11 puntos ang kalamangan ng Pilipinas at hindi na nakabawi pa ang katunggali upang ibigay sa Nationals ang 1-0 baraha.

Read more...