Buenavista, Tabal asam bigyan ng karangalan ang bansa sa Paris

DAHIL sa kabutihang loob ng pamunuan ng Milo at layuning makapagbigay karangalan sa bansa, makakarating uli ang two-time Olympian na si Eduardo “Vertek” Buenavista sa Paris habang tatapak sa unang pagkakataon sa makasaysayang lungsod ng France si Mary Joy Tabal.

Pupunta sina Buenavista at Tabal sa Paris bilang kinatawan ng Pilipinas sa 2014 Paris Marathon na gaganapin sa Abril. Ito ay  matapos pagwagian ng dalawa ang 37th National Milo Marathon noong Linggo sa SM Mall of Asia grounds, Pasay City.

Nagdesisyon ang Milo sa  pangunguna ni Milo sports executive Andrew Neri na dagdagan pa ang premyong ibinibigay ng kumpanya sa mangungunang local runners sa pagpapadala sa hihiranging kampeon sa Paris Marathon sa Abril.

“This is part of our efforts to help uplift our local runners. By exposing them to competitions abroad, we hope to see them get better thus raising the standard of marathon in the country,” wika ni Neri.

Sampung taon na ang nakalipas noong si Buenavista ay huling natuntong sa Paris nang siya ay ipinadala ng Philippine Amateur Track and Field Association (Patafa) para lumahok sa World Championships noong 2003.

“Maganda doon sa Paris,” sambit agad ng 35-anyos na si Buenavista na nakuha ang ika-limang national title sa patakbong suportado rin ng Timex, Bayview Park Hotel Manila, Reebok, Smart, Gatorade, Sennheiser at SM Mall of Asia at binasbasan ng Department of Education, Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee.

Sabik naman ang tubong Cebu na si Tabal na makarating sa Paris lalo pa’t ang  mga bansang nakita pa lamang niya ay ang Singapore at Malaysia.

“Excited ako dahil ngayon lamang ako makakarating ng Paris,” ani ni Tabal na pinagningning ang matagumpay na pagdepensa sa national title nang basagin ang 2006 record ni Jho-An Banayag na 2:48:16.

Noong Linggo ay nakapagtala ng tiyempong 2:48:00 si Tabal.

Ngunit nilinaw din ng dalawang marathoners na hindi lamang ang makita ang magagandang tanawin ang nasa kanilang isipan kundi ang bigyan din ng karangalan ang Pilipinas.

“Hindi naman dahil lang sa pera o sa kung anuman kaya tayo tumatakbo kundi gusto ko lamang na magbigay ng karangalan sa Pilipinas,” dagdag ng mananakbo na tubong General Santos City.

Bukod sa limang national titles, si Buenavista ay dalawang beses nang tumakbo sa Olympics at makailang-ulit na ring nanalo sa Southeast Asian Games.

Pero nagkaroon ng pagdududa sa kanyang kakayahan nang pumangatlo lamang sa marathon noong 2011 Indonesia Southeast Asian Games dahilan upang palitan siya ni Eric Paniqui, ang 2013 Metro Manila elimination champion na ginawa rin sa full marathon at 2011 SEA Games silver medalist, para kumatawan sa Myanmar SEA Games.

Ang pangyayari ay nagsilbing hamon kay Buenavista na patunayan ang kanyang sarili kaya’t kahit nahilo ilang metro malapit sa finish line ay nagawa niyang tiisin ito at tinapos ang karera.

“Medyo puyat ako kaya sabi sa akin ng tumingin ay kinulang ako ng potassium,” paliwanag ni Buenavista na ilang minuto ring naupo sa wheelchair para ipahinga ang sarili.

Ang oras ni Buenavista ay 2:27:14 at ito ay mas mabilis ng bahagya sa gold medal time sa Indonesia SEA Games na 2:27:45.

“Talagang SEA Games ang pinaghandaan ko at ang oras ko ngayon ay mas mabilis sa gold medal time sa Indonesia. Kaya talagang kaya ko pa at hindi pa ako laos. Nakakapanghinayang pero desisyon iyan ng coach. Sa 2015 sa Singapore na lang ako babawi,” may kumpiyansang pahayag ni Buenavista.

Sa panig naman ni Tabal, magpapahinga muna siya bago bumalik sa pag-ensayo para sa Paris Marathon na  sinabi niyang isang pagsubok na hindi niya uurungan.

“Panibagong hamon ito sa akin at gagawin ko ang lahat para maipakita na karapat-dapat akong ipadala rito,” sabi ni Tabal.

Habang nagpapahinga ay sisikapin na rin ni Tabal na pasimulan ang negosyo na tututok sa pagtuturo ng tamang pamamaraan ng pagtakbo sa  mga nais sumali sa mga marathon.

Samantala, umabot sa  P270,000 ang napanalunan ni Tabal noong Linggo na nagmula sa P250,000 nang pumangalawa siya sa Open division at bonus na P20,000 dahil sa pagtala ng bagong national women’s record.

Naiuwi naman ni Buenavista ang P150,000 premyo.

Read more...