VERY consistent si Marian Rivera sa pagdedenay na magpapakasal na sila next year ni Dingdong Dantes. Kahit paulit-ulit na naming narinig ang pagtanggi at pagsasabi niya ng “in time but not soon,” nakakatuwa lang malaman na buong bayan ang naghihintay sa kahihitnan ng romansa nila ng aktor.
“Marami pa kasi akong gustong gawin. At siya rin naman. Hindi biro ang kasal. Lifetime commitment iyan kaya talagang dapat handang-handa ka sa lahat ng bagay,” paliwanag ni Marian nang ianunsyo niya ang Kapuso Gives A Banca project nila ng Triple A talent management para sa mga biktima ng Yolanda sa Cebu.
Base raw kasi sa pag-aaral na ginawa nila, mas maraming mga mangingisda sa nasabing lugar ang nangangailangan ng pangkabuhayang suporta kaya naisip daw nila ang nasabing proyekto.
Nagkakahalaga ng 30 to 40,000 pesos ang isang bangkang de motor at target nga nilang ampunin ang isang isla o baryo kung saan panay mangingisda ang nakatira, “Actually ayon sa aming survey, target namin ang mga libong mangingisda na mabigyan ng bangka. Uunahin lang namin yung mas marami sa isang sitio o lugar,” paliwanag ni Marian na hands on talaga sa paghahanap ng sponsors for the project.
Isa nga ang naturang project sa kanyang nais na pagkaabalahan sa 2014 bukod pa sa madramang serye niya sa GMA na Carmela, kaya sa dami raw ng nakaplano niyang gawin sa susunod na taon, siguradong wala doon ang pagpapakasal nila ni Dingdong.
At dahil nga sa pagsalanta ni Yolanda sa kabisayaan, napagdesisyunan nina Marian at Dingdong na huwag munang magbigay ng regalo ngayong Pasko sa isa’t isa. Imbes daw kasing gumasta pa, mas minabuti nilang idagdag na lang ang kanilang pambili ng regalo sa inilunsad nilang proyekto.
Pero ang ikinatuwa namin sa aktres ay ang hindi niya pagkalimot sa mga kaibigan niya sa entertainment media. Kahit napakasimpleng salu-salo lang ang kanyang inihanda, nagawa pa rin niyang makipag-bonding at makipagsayahan sa amin.
Gaya ng PPL nina Dingdong Dantes, isa si Marian sa mga showbiz personalities na hindi tuluyang kinalimutan ang pag-celebrate ng Kapaskuhan para sa members of the press. Wala man yung super bonggang regalo at raffle prizes, sobrang nakakatuwa na ang simpleng gesture niya na makipaghuntahan at makikain kasabay ng mga kaibigan sa media.