Boots Anson Roa, King Rodrigo nagpaalam sa mga yumaong asawa bago magpakasal


Maraming maligaya ngayon para sa respetadong aktres na si Ms. Boots Anson Roa. Pagkatapos mabiyuda nang anim na taon ay dumating sa kanya ang tinatawag na pangalawang glorya, nagtagpo ang mga landas nila ni Attorney King Rodrigo, kaibigan-kaklase sa Ateneo ng yumao niyang mister na si Tito Pete.

“No, hindi siya nagkagusto sa akin nu’n, in fact, kaibigan ng family namin ang pamilya niya. One big family kami nu’n, until may nag-set ng pagkikita namin and that started it all,” nakangiting kuwento ni Tita Boots na napakaganda pa rin hanggang ngayon sa kanyang edad na sisenta’y otso.

Naging mabilis ang mga pangyayari, hanggang sa nagkagustuhan na sila at nagplano nang magpakasal, pero ang proseso ay dumaan muna sa ilang bahagdan.

Personal silang nagpunta sa puntod ng kanilang mga yumaong asawa, nagpaalam sila, humingi ng gabay sa mga una nilang minahal at nakasama nang mahabang panahon.

Ang pagpapakasal nina Attorney King at Tita Boots ay gaganapin sa June 14, 2014, kasama sa mga magiging ninong at ninang nila sina dating Pangulong Joseph Estrada, Ms. Susan Roces at iba pang mga kasamahan ng respetadong aktres sa mundong minahal na niya.

Maligaya ang kani-kanilang pamilya sa kanilang sitwasyon ngayon, kung saan sila maligaya sabi ng kanilang mga anak at apo, ay du’n na rin sila.

Komento pa ni Tita Boots, “Ganu’n pala ‘yun. Nagkakaedad tayo, nagbabago ang mga pananaw sa buhay, pero ang puso pala, e, hindi tumatanda. We will always be young at heart,” nakangiting deklarasyon pa ng aktres.

Seventy four na si Attorney King Rodrigo, sixty eight naman si Tita Boots, sino ngayon ang magsasabi na ang pag-ibig ay nakakulong lang para sa mga kabataan?

“Ang sabi ng iba, ang pag-aasawa raw, e, fate. Sabi naman ng iba, it’s destiny. For me, it’s not anything, it’s divine providence. Ibinibigay ‘yun sa atin ng Panginoon,” madiin pang opinyon ng napakaligaya ngayong si Ms. Boots Anson Roa.

Read more...