NAPIGILAN ng Global Port ang huling ratsada ng Rain or Shine para maitakas ang 90-88 panalo sa kanilang 2013-14 PLDT myDSL PBA Philippine Cup game kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Bagamat nalusaw ang 14-puntos na bentahe ng Batang Pier matapos itabla ng Elasto Painters ang iskor sa 87-all may 2:44 sa laro hindi naman nito hinayaan ang Rain or Shine na maagaw ang kalamangan.
Isang split free throw mula kay Sol Mercado at jumper mula kay Justin Chua ang tuluyang nagbigay sa Global Port ng kalamangan kahit hindi na ito nakapuntos sa huling 1:50 ng laban.
Gumawa sina Jay Washington at Mercado ng tig-20 puntos para pamunuan ang Global Port, na galing rin sa panalo sa Meralco noong Biyernes at umangat sa 3-3 karta.
Nag-ambag naman si RR Garcia ng 13 puntos para sa Batang Pier.
( Photo credit to INS )