Mga ‘munting’ champions ng 37th National Milo Marathon

MULING napatunayan na hindi hadlang ang ‘height’  ng isang tao para magtagumpay sa full marathon.Sina Eduardo Buenavista at Mary Joy Tabal, na hindi lalampas sa limang talampakan o five feet, ang siyang lumabas bilang pinakamatulin sa hanay ng mga local runners na nagpakinang sa 37th National Milo Marathon Finals kahapon sa SM Mall of Asia grounds, Pasay City.

Gayunman, winalis ng mga Kenyans na sina Joshpat Kiptanui Chobei (2:18:23) at Margaret Njuguna (2:42:18) ang Open titles pero hindi naman nadiskaril ang hangaring tagumpay nina Buenavista at Tabal na siya ring ipadadala ng Nestlé  Philippines sa Paris Marathon sa 2014.

Nagmarka ang ipinakitang takbo ng 24-anyos tubong Cebu City  na si Tabal matapos burahin niya ang pitong taong Milo Marathon record.

Naorasan si Tabal ng 2:48:00 at mas mababa ito ng 16 segundo sa 2006 oras ni Jho-An Banayag na 2:48:16.

“Hindi ko expected na mabubura ko ang record kaya noong nakita ko ang oras sa finish line ay nagulat ako,” pahayag ni Tabal na tumapos sa ikalawang puwesto sa overall sa kababaihan.

Halagang P250,000 ang gantimpala na naiuwi ni Tabal pero may bonus siyang P20,000 dahil sa bagong record.

Tanging ang mga oras ng mga Filipino runners ang pinagbabasehan ng record sa pinakamatagal na footrace sa bansa na may ayuda ng Timex, Bayview Park Hotel Manila, Reebok, Smart, Gatorade, Sennheiser at SM Mall of Asia at binasbasan ng Department of Education, Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee.

Ito ang ikaapat na pagsali ni Tabal sa Milo Marathon pero unang 42-k race niya ito sa taon at nagbunga ang pagbabagong ginawa sa kanyang pagsasanay.

“Dati kasi kapag nasa 30-kilometer ang karera, nauubusan na ako. Kaya ang focus ng training ko ay sa endurance talaga. Noong June ako nagsimula at pagpasok ng November ay 150 kilometers ang kabuuang tinatakbo ko every week,” dagdag nito.

Halos 100 metro lamang ang layo ni Njuguna kay Sabal papasok sa McKinley Hill pero naramdaman ng Kenyan runner ang hamong hatid ng Filipina runner para bilisan ang pacing tungo sa paglayo sa katunggali.

Ang two-time defending champion at national pool member Mary Grace De Los Santos ay nakontento lamang sa ikatlong puwesto sa 2:54:27 at tanggap naman niya ang nangyari.

“Napasok kasi ako sa Philippine Air Force noong March at late na nailabas ang DS order ko kaya noong Nobyembre lang ako umakyat ng Baguio para mag-training. Gusto ko rin  sana na manalo pa pero alam kung kulang ang time ng training ko at ito lang ang kinaya,” paliwanag ni De Los Santos.

Nagawa namang labanan ng 35-anyos na si Buenavista ang pagkahilo malapit sa finish line para kunin ang ikalimang national title.

( Photo credit to INS )

Read more...