BAGAMAN tinanghal siyang MVP sa UAAP ay wala gaanong pumansin sa FEU standout na si Terrence Romeo sa 2013 PBA Rookie Draft. Pero sa mga unang linggo niya bilang manlalaro ng Global Port ay nagpakita na ng angking galing si Romeo at ngayon pa lang ay itinuturing na siyang “the next superstar” ng PBA. Nakapanayam ni Bandera correspondent Eric Dimzon ang naturang rookie at ito ang kanyang sinabi.
Ano ang masasabi mo na itinuturing ka na next superstar ng PBA?
Medyo pressured kasi po masyadong mabilis ang pangyayari. Pero lagi ko lang binibigay ang best ko bawat laro.
Bakit ‘yung laro mo parang hindi ka rookie?Napakaganda kasi ng ipinapakita mo sa una mong sabak saPBA.
Naka-focus lang po talaga ako. Iniisip ko po kasi na simula pagkabata, basketball na ang gusto ko. Hanggang umikot na ang buhay ko sa basketball. Sa court po, wala po akong iniisip kundi gawin ang dapat kong gawin para manalo ang aming team.
Masaya ka ba sa Global Port?
Opo. Sobrang saya po. Mabait po ang management. Lalo na po si Boss Mikee (Romero), sina Coach Eric (Gonzales) at ‘yung buong coaching staff. Sobrang tinututukan kaming lahat. Tapos ‘yung mga veterans namin, pag may di kami alam, tinuturuan kami.
Ano naramdaman mo noong nakatapat mo ang idol mo na si Mark Caguioa ng Ginebra?
Di ko nga po ma-express ‘yung feeling eh. Nung makatapat ko si Kuya Mark, talagang kinailangan kong ibigay ang best ko. Si Kuya Mark, para sa akin, siya talaga ‘yung pinakamagaling sa PBA.
Hindi ka ba naapektuhan sa angas ni Caguioa?
Sa isang magaling na player, unang-una po na talagang competitive. During the game, lalong tumaas ang respeto ko kay Kuya Mark. Hindi siya naninira ng rookie. Hindi niya kailangang manakit ng player. Kaya lalo ko siyang iniidolo.
Sa tingin mo, hanggang saan aabot ang Global Port sa PBA Philippine Cup?
Para sa akin, maganda ang tatakbuhin ng team namin. Kahit ngayon lang kami nagkasama, nakikita naman ng mga tao na lumalaban kami. Talagang binibigay namin ang lahat. Laban kung laban.
Ano naman ang masasabi mo kay Richie Ticzon bilang coach?
Matagal ko ng coach si Coach Richie. Since third year pa sa FEU assistant coach po siya sa FEU. Hindi uso kay Coach Richie ang pa-impress.
Mas pinapahalagahan po niya ang pagtratrabaho. At iyon ang ginagawa ko. Nag-eexert ako ng effort para magawa ko ang instructions ni Coach Richie.
Handa ka bang bitbitin sa iyong balikat ang Global Port sa season na ito?
Hindi ko po iniisip ‘yun. Marami po akong teammates na magagaling. Nandyan si Kuya Sol (Mercado), Kuya Jay (Washington), Eric Menk. Kung ako lang po, hindi ko po kaya. At hindi ko magagawa ang mga nagagawa ko kung wala ang teammates ko.
Umaasa ka bang mananalo ng Rookie of the Year or MVP this year?
Masyado na pong matayog ‘yun. Mahaba pa ang season. Basta ako, laro lang. Pipilitin kong makatulong pa sa team.
Ano ang nagpapasaya sa iyo bilang PBA player?
Siyempre po, unang-una ‘yung mag-champion kami. Ang pinakamasaya para sa akin ay ‘yung makitang magbunga ang lahat ng pinagpaguran namin.
Kahit hindi po biglaan. Kasi it is a process. Sobrang saya na po ako sa ganun hanggang maging buo na talaga kami.
( Photo credit to INS )