HINDI kinaya nina Guangzhou Asian Games gold medalist Rey Saludar at 18-anyos Mark Anthony Barriga ang hamong ipinakita ng mga dating World Champions at Olympians na sina Rau’shee Warren ng USA at Zhou Shiming ng China nang matalo sila sa ikatlong round sa 2011 AIBA World Boxing Championships nitong Martes sa Baku, Azerbaijan.
Tinuruan ng leksyon ng 2007 World Champion at Athens at Beijing Olympics veteran Warren si Saludar nang gamitan niya ito ng bilis at mga kombinasyon tungo sa 22-12 panalo.
Sa unang round pa lamang ay dinomina ng 24-anyos na si Warren ang pambato ng Pilipinas tungo sa 7-2 iskor bagay na hindi na kinayang bawiin pa ng 23-anyos na si Barriga.
Ang panalo ay nag-usad kay Warren sa quarterfinals sa flyweight division at makuha ang tiket patungong London Olympics upang lumabas din sa kasaysayan ng US boxing ang pagiging kauna-unahang American boxer na maglalaro sa tatlong Olympics.
Lumabas din ang pagkabeterano ng 30-anyos na si Zhou, ang Beijing Olympics at Guangzhou Asian Games gold medalist bukod pa sa pagiging 2005 at 2007 World champion sa light flyweight nang hiritan ng 12-5 panalo ang batang si Barriga.
Umarangkada si Zhou sa opening round sa 4-1 at tinapos ang tatlong yugtong labanan sa 5-2 iskor upang katampukan ang dominasyon.
Ang mapapait na kabiguan na ito nina Saludar at Barriga ay nagresulta sa pagwawakas ng kampanya ng anim na boksingerong inilaban ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP).
Una nang namaalam sina Delfin Boholst, Charly Suarez at Rolando Tacuyan sa first round habang ang Doha Asian Games gold medalist Joan Tipon ay nasibak sa second round.
Hindi pa naman natatapos ang pangarap ng ABAP na makapaglahok ng boksingero sa 2012 London Games dahil may magaganap pang Asian Olympic Qualifying sa Kazakhstan mula Abril 1 hanggang 8 sa 2012.
Pero mas masikip ang landas patungong London sa torneong ito dahil ang mga finalists ng paglalabanang dibisyon lamang ang aabante sa pinakaprestihiyosong laro sa mundo.
Lumabas naman ang kahusayan ng Thailand laban sa Pilipinas dahil naipasok ng bansa ang 31-anyos na si Kaew Pongprayoon matapos manalo kay Salman Alizalde ng host Azerbaijan, 23-8, sa light flyweight division. — Mike Lee