Alice mas naging mabenta sa mga lalaki matapos iwan ang asawa


Nahihiya pang sabi ng aming anak na si Rebo, “Mama, ipapakipadala ko po sa inyo ang copy ko ng FHM, pa-autograph naman kay Alice Dixson.”

Kumpleto sa kopya ng nasabing glossy magazine ang aming anak pero ngayon lang ito nagsabi sa amin tungkol sa pagpapapirma sa naka-cover du’n.

Sa edad na kuwarenta’y kuwatro ay si Alice nga ang nasa pabalat ng pinakahuling sipi ng magazine. Hindi na siya kabataan, pero ang kanyang sex appeal ay magpapakain ng alikabok sa maraming kabataang babae diyan, sa totoo lang.

Hindi nakakasawa ang kanyang itsura, titigan mo man siya nang titigan ay ganu’n pa rin ang kanyang ganda, walang kakupas-kupas. May make-up o wala ay talagang maganda si Alice Dixson.

Tuwing Huwebes nang gabi ay naglalaan kami ng panahon para siya matutukan sa For Love Or Money ng TV5, kakaiba kasing gumanap ang aktres na ito, hindi siya ‘yung tipong pang-award ang pag-arte pero may kakaiba siyang panghalina para tutukan mo ang kanyang mga eksena.

Sa pananaw namin ay lumakas ang karisma ni Alice sa mga kalalakihan nang mapabalitang diborsiyada na siya, parang panghalina ‘yun sa mga kalalakihan, kahit mga bagets nga ay gandang-ganda pa rin sa kanya.

Nakita na namin siya nang sopistikada, nakasama na rin namin siya nang walang kolorete sa mukha, at nakita na namin siya nang malapitan na humihikbi-hikbi dahil sa matinding pinagdadaanan sa usapin ng pag-ibig.

Pero napakaganda pa rin ni Alice Dixson. Hindi na siya masasabing bagets pa, pero hindi pa rin naman siya katandaan, ngayon pa nga lang kung tutuusin lumulutang ang matinding karisma ni Alice.

May gagawin siyang bagong programa sa TV5, ang Cougar kasama ang bagets na si Mark Neuman, isa na namang proyekto ito ni Alice Dixson na ngayon pa lang ay paglalaanan na namin ng panahon at atensiyon.

Walang kakupas-kupas na kagandahan.

( Photo credit to Google )

Read more...