UMIIYAK na ikinuwento ni Kristina na taga-Aklan ang kanyang mapait na karanasan sa abroad.
Nagtungo si Kristina sa Bantay OCW sa Inquirer Radio 990 AM kamakailan at inilahad ang nangyari sa kanya sa Qatar.
Kuwento niya ay dalawang taon lamang ang kontrata ng trabaho pero umabot ito sa mahigit na apat na buwan dahil kulang daw ang ipapasuweldo ng employer sa kanya at kailangan pang mag-ipon ng huli.
Bukod pa riyan, US $350 ang sahod na nakasaad sa pinirmahan niyang kontrata ngunit pagdating sa Qatar ay US $250 lamang ang aktuwal niyang natatanggap.
Hindi rin natupad ang trabahong alam niyang papasukan niya.
Sa departamento ng “scrub and cleaning” siya dapat naka-assign ngunit naging yaya ito pagdating sa bahay ng employer.
Hindi na raw siya nagreklamo bilang pakikisama sa tiyahin at kapatid na naroroon din sa employer na iyon at siyang nagpasok sa kanya.
Pero hindi iyon ang pinakamasakit na nangyari sa kanya sa Qatar.
Palibhasa’y magkakamag-anak, hindi naiiwasan ng magkapatid ang mga hindi pagkakaunawaan. Pero nang minsang nagtalo daw sila nitiay nanghimasok ang kanilang tiyahin at siya ay binugbog.
Hindi man siya nakaranas ng pananakit sa employer, ayon kay Kristina, ay matindi ang ginawa sa kanya ng tiyahin na itinuturing pa naman niyang pangalawang ina dahil kapatid ito ng kanyang nanay.
Kinakagat, sinasampal at inuumpog din daw ang ulo niya sa dingding ng kanyang tiyahin.
Nang di na makatiis ay sinadya niyang hindi kumain sa loob ng apat na araw at hindi na raw siya nagtrabaho, sa kabila ng pamimilit ng tiyahin, upang mapuna ito ng kaniyang employer.
Sinadya raw niya iyon para hilingin niya sa kanilang amo na pauwiin na lamang siya.
Sa takot ng employer na baka sa kanila pa mamatay si Kristina o di kaya’y magkasakit pa ng ito nang malubha, dahil hindi na nga siya kumakain, ay napilitan silang bilhan na lamang ito ng ticket pauwi ng Pilipinas.
Wala namang plano si Kristina na idemanda ang tiyahin.
Inilapit ni Jerry Canas ng Bulacan ang problema ng kapatid niyang si Elgie Demerin na nasa Riyadh, K.S.A.
Isang beses sa isang araw lamang umano pakainin si Elgie, ani Jerry.
Ang matindi pa nito, hindi naman siya binibigyan ng sahod ng kanyang employer.
Palaging sinasabi raw ng amo nito na ipadadala na lamang niya sa nanay ni Elgie, ngunit niloloko lamang niya ang ating OFW, dahil wala naman itong ipinapadala sa Pilipinas.
Dahil din sa desisyon ni Elgie na magtrabaho sa abroad, naging sanhi din ito ng pagkakawatak-watak ng kanyang pamilya.
Na-stroke kasi ang kanyang asawa kung kaya’t napilitan siyang maghanap ng ikabubuhay para sa anim na mga anak.
Naiwan sa kapatid ni Elgie ang tatlong mga anak, isa naman sa piling ng mister niya at nasa Pampanga naman ang dalawa pa.
Ayon kay Jerry, hangad na lamang ng kapatid niya na makauwi ng Pilipinas at dito na lamang muling maghahanap-buhay.
Pakiusap din ni Elgie na makuha muna ang dalawang buwang sahod pa nito bago makabalik ng bansa.
Ipinagbigay-alam na ng Bantay OCW sa ating POLO (Philippine Overseas Labor Office) sa Riyadh ang problema ni Elgie.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30 am-12:00 noon, audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm. Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700 E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com