MAG Pacman Boxing Promotions inilunsad

PORMAL na inilunsad kahapon ang MAG Pacman Boxing International Promotions na ang layunin ay itaas ang antas ng boxing promotions sa bansa.

Sa Solaire Resorts and Casino ginawa ang paglulunsad at sina dating two-time world champion Gerry Peñalosa at boxing promoter Anson Co ang humarap bilang dalawa sa tatlong may-ari ng promotion.

Ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao ang isa pang may-ari ng kumpanya at pinasok niya ito dahil magkakaisa ang kanilang pananaw sa nais na magbuhay sa boxing sa bansa.

“Iba ito sa MP Promotion at sinabi sa akin ni Manny na ang MP Promotion ay ginagamit niya sa international fights habang itong MAG ay para sa local fights,” wika ni Peñalosa.

Layunin ng grupo na itaas din ang pamumuhay ng mga boksingero sa bansa sa pagbibigay ng tamang premyo at iba pang benepisyo na base sa kanilang ipakikita sa ring.

Isa sa balak ng grupo ay ang pagbibigay ng Boxer of the Month at Best Fighter sa bawat promotion na gagawin.
Opisyal na magdaraos ng unang boxing promotion ang MAG sa Disyembre 13.

Read more...